MAGANDANG balita mula sa Department of Transportation (DOTr) ang inihayag kamakailan sa pag-apruba ng panukala ng San Miguel Corporation (SMC) na magtayo ng paliparan sa lalawigan ng Bulacan. Maganda ang disenyo nito at maaaring sagot sa problema ng trapiko sa Metro Manila. Bakit ka ninyo? Dahil marami ang gumagamit ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa mga biyahero natin sa domestic at international flights kaya naman nakadaragdag ang mga sasakyan sa EDSA patungo sa NAIA.
Ngunit ang pinakasusing dahilan umano sa pag-apruba ng Bulacan Airport ng SMC ay simple lang. Walang gastos ang gobyerno rito. Ang P735 billion na proyekto ay gagawin ng SMC na walang government guarantee at ni walang sabsidiya na manggagaling sa ating gobyerno. Kasama na raw sa proyekto na sasagutin ng SMC ang mga right-of-way ng lupain na pag-aari ng mga pribado na tatamaan sa pagtatayo ng nasabing airport. Ang ganda ng proposal ng SMC, hindi po ba? Panalo talaga ang gobyerno rito.
GUDC proposal sa Kaliwa Dam ‘at no cost sa PH gov’t’
Teka, kung ganoon pala ay bakit tila bingi ang gobyerno natin sa proposal ng Global Utility Development Corp. Ltd (GUDC) sa Kaliwa Dam na sasagot sa nagkukulang na suplay ng tubig sa Metro Manila? Ang GUDC, isang kompanya mula Japan, ay nagbigay ng proposal sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), ilang taon na ang nakararaan, na itayo ang Kaliwa Dam na walang gagastusin ang gobyerno.
Ang Kaliwa Dam Project ay matagal nang plano ng gobyerno. Matatandaan na noong panahon ng tag-araw, ang Metro Manila ay nakaranas ng kakulangan ng tubig. Hindi naging sapat ang water supply sa tumataas na pangangailagan ng lumalaking populasyon ng Metro Manila. Nabugbog sa batikos ang MWSS, Manila Water at Maynilad dahil dito. Lumalabas na natengga ang mata-gal na plano ng pagtatayo ng Kaliwa Dam upang tugunan ang dagdag water supply ng Kalakhang Maynila.
Ang GUDC ay nag-alok nga ng pagtatayo ng Kaliwa Dam. Panahon pa lang ng administrasyon ni PNoy ay iprinisinta na ito. Nagustuhan ang nasabing proyekto. Nagkaroon na ng kasunduan at pirmahan na pag-aralang mabuti ang nasabing proyekto. Subalit inabot ng eleksiyon ng 2016 kung saan si Pangulong Duterte ang nagwagi. Inulit muli ng GUDC ang nasabing proposal sa kasalukuyang adminsitrasyon. Nagustuhan sa una at tila mukhang matutuloy na ang nasabing proyekto. Subalit sa kalagitnaan ay biglang nagbago ang ihip ng hangin at pumasok nga itong proposal ng isang Chinese contractor na gusto ng MWSS. Subalit lumalabas na mas mahal, mas magastos, at uutangin pa natin ang paggawa nito.
Hindi lang ‘yan, ayaw ng mga komunidad na nakatira sa sinasakop ng proyekto dahil may panganib na malubog sila sa tubig kapag itinayo ang nasabing proposal ng MWSS para sa Kaliwa Dam. Kaliwa’t kanan ang nagpoprotesta sa nasabing proyekto.
Dagdag pa rito ay lumalabas sa ulat ng Commission on Audit (COA) na tila ‘niluto’ ang bidding ng Kaliwa Dam project. Kinuwestiyon ng COA ang kuwalipikasyon ng dalawang bidders na tila ipinasok lamang upang masiguro na ang China Energy Engineering Co. (CEEC) ang mananalo sa bidding. Ano ba ‘yan?
Kaya ang sambayanan ay dapat bantayang mabuti ang nangyayari sa MWSS. Dapat ay mapagmasid tayo. Hindi dahil panahon ng tag-ulan ay wala na sa ating kaisipan ang pangangailangan ng karagdagang suplay ng tubig sa Metro Manila. Bantayan natin ang mga susunod na aksiyon ng MWSS tungkol dito. Baka ang mangyari ay kabaligtaran…at no cost sa contractor pala ang proyekto at tayo naman ang magbabayad ng utang kinalaunan.
Comments are closed.