BULACAN AT DILG, NAGSAGAWA NG BARANGAY JOURNALISM TRAINING PROGRAM

bulacan-dilg

LUNGSOD NG MALOLOS – Sa layu­ning kilalanin ang pangunahing gampanin ng malaya at bukas na pagpapa­litan ng impormasyon, nagsagawa ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ng Barangay Journalism Training Program para sa Barangay Public Information Officers (BPIOs) na ginanap sa Bulacan Capitol Gym nitong nakaraang Miyerkoles at Huwebes.

Layunin ng nasabing programa na turuan ang 569 BPIOs sa lalawigan ng responsableng pamamahayag upang kanilang maipamahagi ang mga impormasyong pampubliko mula sa lokal na pamahalaan gamit ang iba’t ibang mga pamamaraan tulad ng social media.

Sa kanyang talumpati, ipinaliwanag ni Gob. Wilhelmino Sy-Alvarado na ang karapatang magpahayag na marahil ang pinakamatibay na haligi ng demokrasya.

“Ang karapatan na magpahayag marahil ang pinakamatibay na haligi ng demokrasya na hindi lamang tumitiyak sa patuloy na pananahan ng kapangyarihan sa kamay ng sambayanan, bagkus ay pati na rin sa pangingibabaw ng kalayaan at ng mga pagpapalang iniluwal nito upang tamasahin ng sambayanan ang kaganapan ng ating mga pinagbuklod na layunin,” ani Alvarado.

Sinabi naman ni DILG Undersecretary Martin Diño sa mga BPIO na makatutulong sila sa higit pang pag-unlad ng lalawigan ng Bulacan.

“Isa kayo sa magpapaunlad ng probinsiya ng Bulacan. Kaya kayo ay pinag-aaral ngayon ng proper reporting system, lahat ng plano para sa mga mamamayan, lahat ng plano para sa kapakinabangan ng higit na nakararami, kayo po ang makatutulong sa amin para ipahayag at ipamalita ang mga ito,” pahayag ni Diño.

Ayon kay Jenibeth Perez ng Doña Remedios Trinidad, isa sa mga dumalo, natutuhan niya ang halaga ng pampublikong impormasyon at kung paaano ito magi­ging kapaki-pakinabang sa bawat barangay.

“Hindi lahat ng balita tungkol sa barangay namin ay nalalaman ng lahat at hindi ito naging madali. Ngayon, dahil natutuhan na namin ang tamang paglalahad ng balita, magkakaroon na kami ng madaling access para ipaalam sa lahat kung ano ang nangyayari sa paligid, lalo na sa mga benepisyo na puwedeng ma-avail,” ani Perez.

Kabilang sa mga tinalakay sa training program ang Development Communication; Introduction to Barangay Journalism; Media Law and Ethics; Media: Theory, Practices and Principles; Media Interview; Introduction to News Writing; at Perform News Writing.

Ang Barangay Journalism Training Program ay alinsunod sa Memorandum Circular No. 2017-165 ng DILG na sumusuporta sa implementasyon ng Journalism/Reporter Training Program para sa Provincial, City, Municipal at Barangay Public Information Officers. BORLONGAN