BULACAN BIGGEST SUPPLIER NG BABOY AT MANOK

Manok at Baboy

BULACAN – KASABAY ng pagdiriwang ng 30th National Statistics Month, ipinakita ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bago pa man nanalasa ang  African Swine Fever (ASF), nananatili pa rin ang probinsiya na pinakamalaking supplier ng baboy sa Metro Manila.

Bukod sa baboy, sa lalawigan din nagmumula ang mala­king volume ng manok at itlog na dinadala sa iba’t ibang pamilihan sa bansa.

Ayon kay Marian C. Enriquez, isang statistician sa PSA-Bulacan, naitala ang 55% ng suplay ng baboy ng Metro Manila mula sa Central Luzon ay nagmumula sa probinsiya noong 2018.

Sinusundan ito ng Tarlac na nasa 21%, Pampanga na 11%, Nueva Ecija na 5%, Zambales na 4%, Bataan na 3% at 1% sa Aurora.

Aniya, bago pa man tumama ang sakit sa mga baboy na ASF, pa­tuloy pa rin sa pagtaas ang pagpaparami nito sa Bulacan.

Mula sa 244,167 tonelada noong 2017, tumaas ito sa 259,677 tonelada noong 2018.

Ayon pa kay Enriquez, ibinabase ang tonelada sa bawat nakakatay na baboy sa mga slaughter house na dumaraan sa National Meat Inspection Service (NMIS).

Hindi naman naapektuhan ng pagkakaroon ng bird flu noong 2017 ang produksiyon ng mga manok noong 2018.

Katunayan, mula sa 168,982 tonelada noong 2017 ay tumaas ito sa 188,269 tonelada noong 2018.

Katumbas ito ng 29% sa kabuuang produksiyon ng manok sa gitnang Luzon.

Kung saan pinakamalaki ito kumpara sa 27% ng Pampanga, tig-16% ang Tarlac at Nueva Ecija, 8% ang Bataan, 4% ang Zambales at 0% ang sa Aurora.

Bagama’t walang naging epekto sa pagpapalaki ng mara­ming manok ang naging pagtama ng bird flu noong 2017, bumaba ng 14.5% ang pangi­ngitlog ng mga ito.

Mula sa 31,742 to­nelada noong 2017, naging 27,133 tonelada na lamang noong 2018. THONY ARCENAL

Comments are closed.