BULACAN, BINAHA NG MURANG IMPORTED RICE MULA SA NFA

ASAHANG bahagyang mababawasan ang suliranin ng mga Bulakenyo sa mataas na halaga ng commercial rice sa merkado makaraang bahain ng murang bigas mula sa National Food Authority (NFA) ang mga pamilihang-bayan at accredited rice retailers sa tatlong lungsod at 21 bayan ng Bulacan.

Ayon kay Elvira Obana, Manager ng NFA sa Bulacan, dumating na nitong Huwebes ang 60,800 sako ng bigas sa mga NFA warehouses sa lalawigan at bahagi ito ng imported rice na inangkat ng gobyerno na ang bawat kilo ay nagkakaha­laga ng P32 at nagsimula nang mabili sa merkado sa lahat ng sulok ng probinsiya.

Bukod dito, inilunsad din ni Obana ang 36 na Bigasang Bayan sa Bulacan na may alokasyong 50 hanggang 100 sako ng NFA rice bawat araw depende sa kapasidad ng tindahan na matugunan ang pangangailangan sa pangunahing butil ng mga mahihirap na Bulakenyong nais makabili ng murang bigas sa merkado.

Sinabi pa nito na itinaas na rin ang rice allocation ng 300 NFA accredited rice retailers sa Bulacan sa 30-40 sako kumpara sa 10 hanggang 20 sako na alokasyon bawat araw na inabot pa sa pagbaba sa 5 hanggang 10 kaban lamang at dahil ito sa replenishment ng kanilang rice stocks.

Bunga nito,tiniyak pa ng NFA Manager na makakaasa ang consumers na makakabili sila ng murang bigas mula sa NFA dahil sa pagbaha ng suplay nito sa accredited rice retailers at Bigasan Bayan at positibo ang paniniwalang babalik na sa normal ang sitwasyon sa pangangailangan ng bigas ng mga bulakenyo.

Ipinaliwanag pa ni Obana na ang kanilang tanggapan ay nagbebenta sa accredited traders ng bigas sa halagang P1,500 bawat sako o P30 bawat kilo at puwede nila itong ibenta sa publiko ng P32 kilo kaya kikita sila ng P2 piso bawat kilo o P100 bawat sako. A. BORLONGAN

Comments are closed.