BULACAN COOP GUMAMIT NG SOLAR ENERGY

BULACAN- BINUKSAN na ng Saint Martin of Tours Credit and Development Cooperative (SMTCDC) ang kanilang solar energy system para makatipid sa kanilang gastusin sa kuryente.

Ang nasabing kooperatiba ay nakipag-ugnayan sa GenWATT Energy Solutions para sa kanilang 50 kilowatt (kw) on-grid solar energy system para sa kanilang apat na palapag na opisina sa Barangay Bunlo sa bayan ng Bocaue.

Ipinaliwanag ni dating Chief Justice Reynato Puno na siya ring chairman ng GenWATT, ang kanilang kompanya ay kasalukuyang may kapasidad na magkabit ng solar energy systems sa mga kabahayan at mga gusali.

Base sa pag-aaral ng GenWATT, ang 25 taon na guaranteed production efficiency ng mga solar panel ay tinatayang makakapagbigay ng 1,500 megawatts na potensyal na ipon sa pagbabayad ng kuryente para sa kooperatiba na nagkakahalaga ng P50 million sa loob ng 25 taon.

Ang on-grid solar energy system na ikinabit sa SMTCDC ay may kapasidad na makapagbigay ng 180-200kw ng kuryente sa isang pangkaraniwang araw na hindi maulan.

Ito ay katumbas ng 60-80 porsiyento ng kuryente na pangangailangan ng gusali ng kooperatiba sa oras ng opisina na kung saan ay makakatipid ng P45,000-P70,000 na bayarin sa kuryente sa halagang P11 kada kilowatt hour.

Ang solar energy system nito ay mayroong surge protection kits, export power module at wi-fi data logger para mamonitor ito kahit nasaang bahagi ka ng mundo.

Ipinaliwanag naman ni Serafin Celestino Jr., chief executive officer ng SMTCDC na may plano silang i-promote ang solar energy system sa iba pang mga kooperatiba ng bansa at maging sa mga miyembro ng SMTCDC.

Ang SMTCDC ay mayroong total asset na P2.653 billion, total share capital na P580 million at 62,592 bilang ng mga miyembro. ANDY DE GUZMAN