BULACAN HANDA SA BACK-FLOODING

BULACAN

TINIYAK ng pamahalaang-lokal sa Bulacan na nakahanda sila sa baha o back flooding na inaasahang tatama sa Bulacan partikular sa mga bayan ng Calumpit, Paombong at Hagonoy na pawang nasasakupan ng unang distrito ng lalawigan bunga ng ibinuhos na ulan ng bagyong Rosita sa Nueva Ecija na babagsak sa Pampanga river.

Kinumpirma ng tanggapan nina Cong. Jose Antonio Sy-Alvarado (1st District, Bulacan) at Calumpit Mayor Jessie de Jesus na handa sila sa tubig-bahang tatama sa kanilang nasasakupang lugar bunga ng tubig-bahang manggagaling sa probinsiya ng Nueva Ecija na inaasahang magpapaapaw sa Pampanga river at tatama ang back flooding sa low lying areas ng nasabing mga bayan sa Bulacan at ilang bahagi ng Pampanga.

Nabatid na bagaman ginugunita ng mga Bulakenyo ang Undas ay nakaalerto naman ang Bulacan Rescue sa pagdating ng baha at maging ang mga relief goods at evacuation area sa nasabing mga bayan ay nakahanda na kung saan ang unang distrito ng Bulacan ang palaging tinatamaan ng back flooding kahit wala nang bagyo.

Nakumpirma sa tanggapan ni Alvarado na sakaling tumama ang back flooding sa nasabing mga bayan, ito na ang ikaapat na pagkakataong tinamaan ng tubig-baha ang lugar ngayong taong ito kaya hindi sila nagpapabaya sa pagkakaloob ng tulong sa kanilang constituents partikular ang pagkakaloob ng basic needs kapag nanalasa na ang baha.

Maging ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office(PDRRMO)-Malolos City ay 24-oras na binabantayan ang pagtama ng tubig-baha sa coastal town ng Bulacan na magbubuhat sa umaapaw na Pampanga river na kinakailangan ng matinding rehabilitasyon para hindi umapaw at magpalubog sa mabababang lugar sa Bulacan at Pampanga na nagiging catch basin ng tubig-bahang buhat sa ibang lalawigan. A. BORLONGAN

Comments are closed.