DINOMINA ng lalawigan ng Bulacan kasama ng Negros Occidental ang katatapos lang na “13th ATOP-DOT Pearl Awards” na ginanap sa Limketkai Luxe Hotel Ballroom, Lungsod ng Cagayan De Oro, Misamis Oriental kamakailan kung saan naiuwi nila ang mga pangunahing parangal.
Itinanghal na “Best Tourism Event Festival” ang ‘Singkaban Festival’ at “Best Tourism Event (Sports) Province Category” ang ‘Lakbike Turismo 2017’ kapuwa ng Bulacan.
Ayon kay Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado, isang epektibong pamamaraan ang pagdaraos ng Singkaban Festival upang patuloy na imulat ang mga Bulakenyo sa mayamang kasaysayan, makulay na sining at kultura, at mahuhusay na talento at produkto ng lalawigan.
Gayundin, sa pamamagitan ng Lakbike Turismo 2017, nabigyang diin ang pagpapahalaga sa pagkakaroon ng malusog na pangangatawan at malinis at maayos na kapaligiran kung saan sa pangunguna ng Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office katuwang ang Provincial Tourism Council, nilibot ng mga lumahok sakay ng kani-kanilang bisikleta ang mga tourism site sa Doña Remedios Trinidad.
Wagi rin ng ikalawang puwesto bilang “Best Tourism Event Festival (City Level)” ang Lungsod ng Malolos para sa kanilang ‘Fiesta Republica-A Festival of Filipino History’ habang nasungkit naman ng bayan ng Pulilan ang ikatlong pwesto sa “Best Tourism Event (Sports) Municipal Level” para sa kanilang ‘Pulilan Bike Fest’ at “Best Tourism Event Festival Category (Municipal Level)” para sa kanilang ‘Kneeling Carabao Festival’.
Naiuwi naman ng Negros Occidental ang unang puwesto para sa “Best Tourism Month/Week Celebration (City Category)” at “Hall of Fame Award” para sa Lungsod ng Sagay; pangatlong puwesto para sa “Best Practices on Community-Based Responsible Tourism (Community-Based Tourism Campaign or Event / Joint Program or Project) Category” sa ‘Sagay City’s The Suyac Island Journey: Coastal Communities Resource Advocacies to Boost Sustainability (CCRABS)’; unang puwesto sa “Best Tourism Event (Sports) City Category” para sa ‘Sipalay City’s Tourism Kite Festival’ at iba pa.
Bago ito, nanalo ang Bulacan bilang 1st runner up sa Best Tourism Event (Provincial Category-Festival) sa ginanap na 12th ATOP-DOT Pearl Awards noong 2017 at pinagkalooban naman ng special citation para sa Best Tourism Month/Weeklong Celebration – Provincial Category noong 2016.
Ang ATOP-DOT Pearl Awards ay taunang parangal na isinasagawa ng Association of Tourism Officers of the Philippines at Department of Tourism na kumikilala sa mga pagpupunyagi ng mga mamamayan sa industriya ng turismo, partikular na ang mga lokal na yunit ng gobyerno na nagpepreserba sa kani-kanilang makasaysayang kultura. A.BORLONGAN
Comments are closed.