LUNGSOD NG MALOLOS – Isang araw bago ang Araw ng Paggawa, ipinakita ng Bulacan ang pagpapahalaga nito sa mga Bulakenyong manggagawa at empleyado sa pamamagitan ng Empleyo Henyo Awards 2019 na ginanap sa Bulacan Capitol Gymnasium na naglalayong kilalanin ang mga makabuluhang ambag at natatanging kuwento ng buhay ng mga manggagawa at empleyado.
Ang kauna-unahang parangal na ito na pinasimulan ng Public Employment Service Office (PESO)-Bulacan sa pakikipagtulungan sa Provincial Youth, Sports and Public Employment Service Office (PYSPESO) ay nilalayong pagtibayin ang ugnayan at bumuo ng matatag na relasyon sa pagitan ng PESO at ng mga stakeholder nito upang mahimok ang mga manggagawa na lalo pang pagbutihin ang kanilang mga trabaho.
Dalawampung indibidwal at 12 ahensiya ang napili at kinilala sang-ayon sa mga batayan na nilikha para sa bawat kategorya.
Para sa Empleyo Henyo Award, ang mga kinilala ay nagwagi sa limang kategorya kabilang na sina Maribel Cruz mula sa Baliwag para sa Career Advocate Category; Edgar Santiago ng Guiguinto para sa Skills Trainer Category; Bayan ng Guiguinto para sa OFW Family Circle (Group) Category; Mega Foundation Int’l Corp. ng Marilao bilang Employer of the Year at ang Mirof Resources, Inc. naman ay pinagkalooban ng Special Citation sa parehong kategorya; at mga Bayan ng Guiguinto at Baliwag para sa Local Government Unit Category.
Gayundin, binigyan ng Special Citation para sa kategoryang Empleyo Henyo-Kuwento ng Buhay sina Cristine Garcia mula sa Lungsod ng San Jose Del Monte at Lorna Lim mula sa Bocaue bilang Skills Training Graduates; Rhenphole Guevarra, Christine Joyce Castañeda at Rodessa Morris ng Bocaue, Angelica Gonzales mula Plaridel, at Joshua Villanueva at Jerome Litao ng Bulakan bilang SPES Beneficiaries; Elizabeth Mariano at Erlinda Gerado mula sa Baliwag, Rosario Driodoco at Roxanne Cumatcat ng Bocaue, Gerardo Abelar at Guillerma Decear mula sa Guiguinto at Ranito Valdeleon mula sa Lungsod ng San Jose Del Monte para sa Livelihood Project Beneficiaries; at Juanito Mateo ng Baliwag at Rowena Clemente ng Calumpit bilang mga Natatanging OFW.
Tumanggap naman si Nerisa Hornedo mula sa bayan ng Bulakan ng Serbisyong Totoo Award.
Para sa Dalubhasang PESO Award, wagi ang PESO Guiguinto sa kategoryang PESO Manager/City Training and Employment Coordinator at Special Citation naman para sa PESO Baliwag; at nakamit naman ng Bulacan State University ang parangal sa kategoryang Job Placement Office.
Dagdag pa dito, ang mga natatanging ahensiya gaya ng Department of Trade and Industry, Department of Foreign Affairs, Department of Education, Overseas Workers Welfare Administration, Philippine Overseas Employment Administration, Technical Education and Skills Development Authority, at Department of Labor and Employment ay tumanggap din ng Kaakibat Award para sa patuloy nitong suporta sa implementasyon ng mga programa at proyekto ng PESO sa Bulacan.
Tumanggap ang mga kinilala sa kategoryang Dalubhasang PESO, Serbisyong Totoo at Empleyo Henyo ng sertipiko ng pagkilala at P10,000 bawat isa habang tumanggap naman ng P2,000 bawat isa at sertipiko ng pagkilala ang mga pinarangalan para sa kategoryang Kuwento ng Buhay. Dagdag pa rito, ang mga tumanggap ng Special Citation para sa Employer of the Year at PESO/CTEC ay pinagkalooban ng sertipiko ng pagpapahalaga.
Samantala, pinuri nina Gobernador Wilhemino Sy-Alvarado at Bise Goberador Daniel Fernando ang mga pinarangalan at kinilala ang kanilang mga ‘di matatawarang kontribusyon tungo sa pagkakaroon ng isang produktibo at progresibong probinsiya. A. BORLONGAN