LUNGSOD NG MALOLOS – Kaisa ng bansa, gugunitain ng Bulacan ang Pambansang Araw ng Watawat sa Mayo 27, 2019 sa ganap na ika-8:00 ng umaga sa harapan ng gusali ng Kapitolyo.
Ang nasabing pagdiriwang ay alinsunod sa Proclamation No. 374 o “Declaring the Twenty-Eight Day of May of each year as Flag Day”.
Inaasahang darating si kinatawan ng Unang Distrito Jose Antonio “Kuya Jonathan” Sy-Alvarado bilang panauhing pandangal upang pangunahan ang pagtataas ng watawat at pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Gat Marcelo H. Del Pilar kasama nina Gob. Wilhelmino Sy-Alvarado, Bise Gob. Daniel Fernando at mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan.
Dagdag pa rito, pangungunahan ni Scout Mark Dela Cruz mula sa Dampol 2nd National High School ang panunumpa sa pambansang watawat na susundan ng espesyal na bilang mula sa BulSu Entablado pagkatapos ng seremonya ng pag-aalay ng bulaklak.
Kabilang sa iba pang inimbitahang panauhin ang mga kinatawan mula sa mga distrito ng Bulacan, mga punong lungsod/bayan at iba pang mga lokal na opisyal, mga empleyado mula sa nasyonal at panlalawigang ahensya, non-government agencies, akademya at marami pang iba.
Idinisenyo ni Hen. Emilio Aguinaldo ang kasalukuyang watawat ng Filipinas na hinabi nina Doña Marcela Agoncillo, Lorenza Agoncillo at Delfina Herbosa de Natividad sa Hong Kong bago ang proklamasyon ng kalayaan ng bansa noong Hunyo 12, 1898. A. BORLONGAN
Comments are closed.