BULACAN LGUs HUMIRIT KAY PRES. DUTERTE: SEC. DOMINGUEZ ‘WAG PAKINGGAN

DOMINGUEZ-DUTERTE

NANAWAGAN kahapon ang mga lokal na pamahalaan sa lalawigan ng Bulacan kay Pangulong Rodrigo Duterte na huwag pakinggan ang kahilingan umano ni Finance Secretary Sonny Dominguez III na pigilan ang implementasyon ng $15-billion New Manila International Airport project

Ayon sa ilang alkalde sa lalawigan na ayaw magpabanggit ng pangalan, nakarating sa kanilang kaalaman na ipinahihinto umano ni Dominguez sa Pangulo ang konstruksiyon ng Bulacan airport dahil nagkamali umano ang Department of Transportation (DOTr) sa pag-apruba sa San Miguel project ni biilionaire Ramon S. Ang.

Anila, nagpadala si Dominguez, pangunahing proponent ng  Clark airport expansion project, ng memo kay Duterte laban sa New Manila Airport project.

Nakasaad umano sa memo na hindi dapat nilagdaan ng DOTr ang kontrata at sakaling matuloy ay magiging isa lamang itong ‘white elephant’.

Magugunitang nilagdaan noong nakaraang Setyembre nina DOTr Secretary Art Tugade at Ang ang isang concession agreement na magpapasimula sa konstruksiyon ng airport sa isang 2,500-hectare property sa Bulakan, Bulacan ngayong buwan.

Binigyang-diin ng naturang mga alkalde na walang dapat ikabahala ang kalihim sa kontrata dahil walang gagastusin ang gobyerno sa proyekto at ang San Miguel shareholders na ang bahala sa anumang magiging problema nito.

Huwag sanang hayaan ng Pangulong Digong na gaguhin ang mga Filipino. Hindi ­maaaring lumagda ang gob­yerno sa isang concession agreement at mag-isyu ng notice to proceed para lamang bawiin ito at sabihing mali pala,” sabi pa ng nabanggit na mga alkalde.

Nauna nang inalmahan ng mga LGU ang pagkakaantala ng groundbreaking ng New MIA na nakatakda ngayong buwan dahil sa panibagong isyu umano na inilutang ni Dominguez.

Anila, malaking tulong ang pagbubukas ng itatayong international airport sa bahagi ng kanilang turismo, trabaho at kabuhayan kung kaya huwag sana itong harangin ni Dominguez.

Sa panayam sa ilang mayor sa Bulacan, nagpahayag ang mga ito ng pagdududa sa tunay na motibo ng pagharang umano ni Dominguez sa benepisyo ng modernisasyong ipapasok sa kanilang bayan.

Nito lamang nakalipas na linggo, sinabi ni Tugade na nakabimbin sa Department of Justice (DOJ) ang concession agreement dahil may ilang isyu na kailangang linawin ang DOF, partikular na ang ‘wording at interpretation’ sa terms ng proyekto matapos makakakuha ang San Miguel Corporation (SMC) ng notice to proceed noong Setyembre 18.

Noong nakarang taon, nagpahayag ng kaniyang ‘reservation’ si Dominguez sa proyekto kung saan idinahilan nito ang New Clark City na may 55 kilometro ang layo sa pagtatayuan ng modernong paliparan.

Kamakailan naman ay napaulat na inilutang nito ang pag­lilinaw sa interpretasyon ng ‘material adverse government action’ (MAGA) at hangganan ng pananagutan ng ­gobyerno sa proyekto.

Ang MAGA ay sumasaklaw sa kompensasyon ng concessionaire sa pagkakataong magkaroon ng negatibong epekto sa proyekto ang aksiyon ng pamahalaan.

Sa Kongreso, nanawagan sa DOJ sina San Jose del Monte Rep. Rida Robes at 2nd District Rep. Gavini ‘Apol’ Pancho na bilisan ang ginagawang pagrepaso para hindi na magtagal pa ang delay sa proyekto.

Nakalulungkot  na nagkakaroon ng delay sa pagpapatayo ng bagong airport sa Bulacan. Isa ako sa nagbunyi noong nalaman ko na rito  sa Bulacan gagawin ang bagong airport dahil hindi lang ito magbibigay  ng trabaho sa aming mga kababayan kundi magdudulot ito ng progresibong buhay sa aming lugar,” pahayag ni Robes.

“Umaasa ako na mareresolba ang mga issue na nagdudulot ng delay sa lalong madaling panahon. Patuloy kaming aasa na ito’y matuloy hindi lamang para sa amin sa Bulacan kundi para sa pag-unlad ng buong bayan,” sabi naman ni Rep. Pancho. PILIPINO Mirror Reportorial Team

2 thoughts on “BULACAN LGUs HUMIRIT KAY PRES. DUTERTE: SEC. DOMINGUEZ ‘WAG PAKINGGAN”

Comments are closed.