LUNGSOD NG MALOLOS – Matapos ang dalawang araw na imbestigasyon, nagsampa ng kasong ‘theft of minerals’ ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa Regional Trial Court Prosecutor’s Office noong Lunes laban sa dalawang drayber na nahuling ilegal na nag-bibiyahe ng dalawang malalaking bloke ng tea rose marble noong Enero 19, 2019 sa bayan ng Angat.
Inatasan ni Gob. Wilhelmino Sy-Alvarado si Elizabeth Apresto, pinuno ng Bulacan Environment and Natural Resources Office, na sampahan ng kaso ang dalawang drayber na sina Dennis Villarin, 48, at Jon Dagon, 28.
Sinabi ni Apresto na buong puwersa silang nagbabantay sa nasabing lugar noong Sabado nang mamataan ng isa sa kanilang grupo ang dalawang dump truck na lulan ang mga bloke ng marmol. Agad itong ipinabatid sa kanya na humantong sa pagkakahuli sa mga ito ng environment officials at pulisya ng Angat.
“They were 130 meters away from the team, nung makita nila hinabol nila agad, then report system, they reported to me. Ako naman, nireport ko kay Gob., sa mga pulis and other officials para masarahan at ma-alert lahat ng exit points,” ani Apresto.
Sa ganap na ika-1:40 ng hapon noong Sabado, dinakip ang mga drayber na sina Villarin at Dagon gayundin ang kanilang tatlong escort na naka-motorsiklo at dalawang lalaki na sakay ng isang Toyota Fortuner kung saan kinilala ang isa bilang si G. Sy at inanyayahang sumunod sa grupo ng BENRO patungo sa Bulacan Police Provincial Office para sa ilang katanungan pero biglang naglaho si Sy habang nagbibiyahe.
Habang nasa kustodiya ng pulisya, sinabi ng mga drayber na isang nagngangalang Michael Lee ang namamahala sa trucking company na kanilang pinapasukan habang base naman sa OR/CR na kanilang hawak, kay Yonghai Wang nakapangalan ang mga trak.
Bago ang hindi inaasahang pagkawala ni Sy, sinabi nito kay Apresto na legal ang kanilang transaksiyon matapos sabihin ng umano’y isang Bong Llanes, Undersecretary ng Department of Environment and Natural Resources, na walang expiration ang kanilang Ore Transport Permit (OTP).
Samantala, ayon sa mga opisyal, ang OTP na kanilang ipinakita ay wala ng bisa noon pang 2010, sa parehong taon din kung kailan ipinag-utos ni Alvarado ang pagba-ban sa pagkuha ng tea rose marble mula sa Biak-na-Bato.
Idinagdag pa ni Apresto na sa kasalukuyan, nasa pangangalaga na rin ng BPPO ang backhoe na ginamit sa pagkuha ng mga bloke gayundin ang mga trak na pinaglululalan ng mga nasabing marmol.
Nagkakahalaga ng humigit-kumulang P200,000 ang naturang mga bloke ng marmol na kabilang sa 257 na bloke na ipinagkaloob sa lalawigan sa pamamagitan ng Deed of Donation sa pagitan ng DENR at Pamahalaang Panlalawigan noong 2015 na nagmula sa kanseladong Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) ng Rosemoor Mining and Development Corporation na sakop ang 330.3062 na ektarya sa Biak-na-Bato at Doña Remedios Trinidad noong 2010.
Ayon sa DENR, anumang halagang mapagbibilan nito ay gagamitin para sa mga proyektong pangkapaligiran lamang at para sa kapakinabangan ng lalawigan ng Bulacan. A. BORLONGAN
Comments are closed.