BULACAN NANGUNA SA RAMI NG KOOPERATIBA

CDA

MALOLOS CITY – NANGUNA ang Bulacan sa may pinakamaraming bilang ng ­kooperatiba na pumasok sa Top 50 Cooperatives in the Billionaire Bracket at ­pangalawa sa Number of Cooperatives in the Millionaire Bracket ng Cooperative Development Authority (CDA) noong 2017.

Kasama sa apat na bilyonar­yong kooperatiba ang St. Martin of Tours Development Credit Cooperative na may P1.96 bilyon halaga ng assets, San Jose del Monte Saving and Credit Cooperative na may P1.66 bilyon, Manatal Multi-Purpose Cooperative na may P1.52 bilyon, at Ligas Kooperatiba ng Bayan sa Pagpapaunlad na may P1.51 bilyon.

Sinabi ni CDA Chairman Orlando Ravanera na kumatawan kay Executive Director Giovanni Platero sa pambungad na programa ng Buwan ng Kooperatiba na ginanap sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod na ito kamakalawa, na ang mga kooperatiba ang instrumento sa pagtataas ng antas ng buhay ng mga miyembro nito.

Sa kanyang bahagi, naniniwala si Gobernador Wilhelmino  Sy-Alvarado na ang mga kooperatiba ang nagbabalanse ng kompetisyon sa pakikipagkalakalan sa pagitan ng mga malalaking korporasyon at ng maliliit at nagsisimula pa lamang na mga negosyante.

Sa Bulacan, mayroong 413 aktibo at compliant na kooperatiba na may P14.99 bilyong net worth at naglilingkod sa humigit kumulang 370,000 miyembro. A. BORLONGAN

Comments are closed.