LUNGSOD NG MALOLOS – Sa ikalimang pagkakataon, pinarangalan ng Department of Agriculture (DA) ang Bulacan bilang isa sa limang natatanging lalawigan na nagbahagi ng galing at kaalaman upang magkaroon ng sapat na suplay ng bigas sa bansa sa ginanap na Rice Achievers Awarding Ceremony sa PICC, Pasay City kamakailan.
Sinabi ni Gob. Wilhelmino Sy-Alvarado na umani ang lalawigan ng average na 4.57 metriko tonelada (MT) kada ektarya na mas mataas sa average ng nasyunal na 4.09 MT kada ektarya noong 2017 sa kabila ng hamon ng kumbersyon ng lupa at kompetisyon ng paggamit ng tubig sa Angat Dam dahil pinaglaanan nila ng atensyon ang mga interbensyon at programa sa produksiyon ng bigas na alinsunod sa mga programa ng kagawaran na magkaroon ng magandang binhi at mekanisasyon.
Nagpasalamat naman sina Bise Gob. Daniel Fernando at Ma. Gloria Carrillo, provincial agriculturist, sa kagawaran at sa mga taong nakatulong sa lalawigan upang makamit ang nasabing parangal.
Samantala, binati ni Sen. Cynthia A. Villar, tagapangulo ng Committee on Agriculture and Food, ang pitong lalawigan (lima sa category A at dalawa sa category B) at 15 lungsod at bayan na tumanggap ng plake at tseke na nagkakahalaga ng P4 milyon at P1 milyon na gagamitin sa mga proyektong may kinalaman sa produksiyon ng bigas.
Ayon kay Villar, mahalagang magtulungan ang mga Filipino sa pagpapababa ng halaga sa produksiyon ng bigas mula sa P12 kada kilo at maging P9 kada kilo upang makalaban sa Vietnam na may pinakamababang presyo na P6 kada kilo ng palay sa ASEAN.
Ibinahagi rin ng senadora ang ilang mga batas na layon niyang maipasa sa senado kabilang na ang Coconut Development Law na magbibigay ng karagdagang P10-B sa mga magniniyog, Livestock, Dairy and Poultry Development Law na magbibigay rin ng P10-B na parehong ilalaan sa pagpapautang, Climate-Base Free Crop Insurance bilang kapalit ng calamity fund at Competitiveness Enhancement Fund mula sa Rice Tariffication Law kung saan ilalaan ang mga nasisingil na taripa bilang subsidyo sa mga magsasaka. A. BORLONGAN
Comments are closed.