BULACAN PINAIGTING ANG KAMPANYA VS LEPTOSPIROSIS

LUNGSOD NG MALOLOS – Upang maiwasan ang pagtaas ng kaso ng mga nagkakaroon ng leptospirosis ngayong panahon ng tag-ulan, nagsasagawa ang Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Health Office-Public Health ng iba’t ibang aktibidad lalo sa mga lugar kung saan mataas ang naitalang kaso ng nasabing sakit.

Binigyan-diin ng nanunuparang go­bernador ng Bulacan na si Vice Governor Daniel  Fernando ang kahalagahan ng pag-iwas kaysa sa pagbibigay lunas dito.

“Higit na mabuting maiwasan na magkaroon pa ng ganitong sakit para hindi na rin tayo nangangamba sa kalusugan at buhay ng ating mga kapuwa Bulakenyo, kung may paraang maiwasan gawin na,” ani Fernando.

Ayon kay Dr. Jocelyn Gomez, pinuno ng PHO-PH, isa sa mga paraan upang maiwasan ang leptospirosis ay ang pagbibigay ng tamang impormasyon sa mamamayan hinggil sa sakit na ito sa pamamagitan ng Facebook, pag-ere sa lokal na istasyon ng radyo at pagpapalabas nito sa LED billboard sa bakuran ng Kapitolyo.

Bukod dito, namimigay rin sila ng mga gamot tulad ng Doxycycline Hyclate bilang prophylactic regimen, anti-bacterial at anti-fungal ointments para magamot ang pangangati o sugat na nakalantad at pagtuturo hinggil sa kalinisan kung saan idinetalye ang kahalagahan ng paghuhugas ng apektadong bahagi ng sabon at umaagos na tubig.

“Nakukuha ang sakit na ito sa paglusong sa baha na kadalasang mayroong ihi ng daga, aso at iba pang uri ng hayop. Natural habitat kasi ng mga daga ‘yung leptospira, doon sila nabubuhay kaya mas madalas sa ihi ng daga talaga nakukuha ang leptospirosis,” diin ni Gomez.

Sinabi naman ni Brian Alfonso, PHO-PH disease surveillance officer na hindi kasing taas ng kaso sa Metro Manila ang mga naitatalang kaso sa lalawigan.

Base sa tala ng Dengue Surveillance ng PESU, mayroong 11 hinihinalang kaso ng leptospirosis mula Enero 1 hanggang Hulyo ngayong taon mula sa tala ng iba’t ibang Disease Reporting Units ng pro­binsiya. Isa ang hinihinalang namatay kaugnay ng leptospirosis na mula sa Norzaragay.

Patuloy na tinututukan ng pamahalaang panlalawigan ang mga kaso ng leptospirosis upang maiwasan ang malawakang pagkalat nito sa tulong at koordinasyon ng iba’t ibang barangay habang patuloy ang pagbibigay kaalaman sa mga residente tungkol sa sakit na ito.

Ang Leptospirosis ay isang sakit na mula sa bacteria na leptospira interogans. Ang sakit na ito ay nagtataglay ng mga sintomas tulad ng lagnat, pananakit ng ulo, matinding pananakit ng hita o binti at kung lalala ay maaaring mauwi sa pagkasira ng bato. A. BORLONGAN

Comments are closed.