LUNGSOD NG MALOLOS – Itinanghal na kampeon ang Bulacan Rescue ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office sa Disaster Risk Reduction and Management Battle of the Brains at Incident Command System sa ginanap na Regional Rescue Olympics kamakailan sa Fort Ramon Magsaysay, Lungsod ng Palayan, Nueva Ecija.
Nanguna ang Bulacan Rescue sa limang probinsiya kabilang ang Pampanga, Tarlac, Aurora, Bataan, at Nueva Ecija sa Battle of the Brains gayundin sa ICS kung saan kasama nila ang One Bulacan Team na binubuo ng mga C/MDRRMO ng mga Lungsod ng Malolos at Meycauayan at mga bayan ng Pulilan, Marilao, at Santa Maria.
Nasungkit din ng Bulacan Rescue kasama ang mga Rescue Team ng Pulilan at Marilao ang ikalawang puwesto sa Water, Search and Rescue (WASAR) gayundin sa Collapsed Structure Search and Rescue (CSSR) kasama ang Santa Maria Rescue Team habang nanalo rin ng ikalawang puwesto sa Mass Casualty Incident event ang Meycauayan 911.
Sa kabuuan, nakuha ng delegasyon ng Bulacan Rescue ang ikalawang pwesto at nag-uwi ng tropeo.
Ayon kay Felicisima Mungcal, pinuno ng PDRRMO, bukod sa nasabing parangal, nagwagi rin ang Bulacan Rescue bilang second runner up sa katatapos lang na UNTV Rescue Summit 2018 kamakailan na ginanap sa Quezon City Memorial Circle, Lungsod ng Quezon kung saan nag-uwi sila ng P1 milyon perang papremyo.
Gayundin, binati ni Gob. Wilhelmino Sy-Alvarado ang Bulacan Rescue at PDRRMO dahil sa husay nito sa rescue operations na nagbibigay dangal sa Bulacan.
Upang mas lalo pang mahasa ang kaalaman at galing ng mga rescue team ng Bulacan ukol sa ICS, nagsagawa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng PDRRMO katuwang ang Office of the Civil Defense Region 3 ng tatlong araw na Basic Incident Command System Course para sa mga miyembro ng PDRRMC at technical working group sa Widus Hotel, Clark Freeport Zone, Angeles City, Pampanga kamakailan. A. BORLONGAN