BULACAN — Nanguna ang Bulacan sa may pinakamataas na lalawigan na nakakolekta ng lokal na kita sa buong bansa para sa taong 2020.
Base sa pahayag ng Provincial Public Affairs Office ng Bulacan, ang resultang ito ay base sa listahan na inilabas ng Bureau of Local Government Finance sa ilalim ng Department of Finance kamakailan.
Umabot sa P1.72 na bilyon ang naitalang kita ng lalawigan mula sa mga koleksyon sa buwis na real property tax, local business tax , iba pang lokal na buwis, iba pang bayarin sa lalawigan gaya ng regulatory fees at user charges, at mula sa mga operasyon ng lokal na mga negosyo.
Bukod dito, kinilala din ang bayan ng Marilao sa Bulacan bilang isa sa 10 na munisipalidad sa buong bansa na nakapagtala ng may pinakamatataas na kitang lokal na nagkakahalaga ng P473.95 milyon para sa taong 2020.
Sinabi naman ni Gob. Daniel Fernando, “Nagpapasalamat ako kasi masisipag ang mga empleyado natin sa pagpapaalala sa pagbabayad ng tax at iba pang bayarin sa ating mga kalalawigan, gayundin nagpapasalamat din ako sa lahat ng mga Bulakenyo na responsable talaga sa pagbabayad. Salamat at naiintindihan nila ang parte ng bawat isa para gumulong ang ekonomiya at ang pamahalaan.”
ANDY DE GUZMAN