BULACAN UMAANI NG KARANGALAN PARA SA KALUSUGAN

Malaria Excellence Award

LUNGSOD NG MALOLOS – Patuloy na pinatutunayan ng Bulacan ang husay nito sa larangan ng kalusugan matapos maiuwi ang Malaria Excellence Award sa 7th Central Luzon Excellence Awards for Health (CLExAH) na ginanap sa Royce Hotel, Clark Freeport Zone, Pampanga kamakailan.

Sinabi ni Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado na iginawad ang parangal sa lalawigan matapos walang maitalang kaso ng Malaria sa Bulacan sa loob ng nakalipas na limang taon.

“Hindi tayo nagpabaya, ang ginawa natin, pinanatili nating walang kaso ng Malaria sa lalawigan at patuloy natin itong gagawin. Bonus na lang na may award, pero ginagawa natin ito para sa kapakanan ng bawat Bulakenyo,” ani Alvarado.

Bukod dito, tinanggap din ng Luntiang Silong ng Bulacan Medical Center at Lungsod ng San Jose del Monte ang Pulang Laso Award dahil sa pagkakaroon nito ng kahanga-hangang implementasyon ng mga programa para sa HIV treatment hubs at naiuwi naman ng Rogaciano M. Mercado Memorial Hospital sa Santa Maria ang Red Orchid Award para sa implementasyong No Smoking Policy.

Gayundin, kinilala ang ibang mga bayan at lungsod sa lalawigan sa kanilang husay sa iba’t ibang kategoryang pangkalusugan.

Pinarangalan ang bayan ng Angat at Lungsod ng SJDM ng Governance for Health Internal Management Support (Local Health System Award); mga bayan ng Hagonoy at Plaridel naman ang kinilala bilang top performing municipalities para sa TB Prevention at Control; at ang bayan ng Hagonoy at Lungsod ng SJDM para sa kanilang Mother-Baby Friendly Health Initiative.

Ginawaran din ng pagkilala para sa pagkakamit ng isang porsiyento ng koleksiyon ng bo­luntaryong pagbabahagi ng dugo mula sa kabuuang populasyon ng nasasakupan ang mga bayan ng Plaridel, Angat, Pulilan, Balagtas, Baliwag at San Ildefonso.

Samantala, kinilala rin ang mga bayan ng Angat at Guiguinto bilang mga karangalang banggit sa Purple Ribbon Award para sa tamang implementasyon ng Family Planning Program.

Tinanggap nina Bise Gob. Daniel R. Fernando kasama si Dr. Jocelyn Esguerra-Gomez, pinuno ng Provincial Health Office-Public Health ang parangal para sa lalawigan.           A. BORLONGAN

Comments are closed.