LUNGSOD NG MALOLOS – NAPANATILI ng Bulacan ang puwesto nito sa Rehiyon 3 bilang lalawigan na may pinakamaraming bilang ng active certificate of accreditation ng mga child development workers na 88.41% habang 85.63% naman ang accredited na mga child development centers upang masiguro ang kalidad ng pagtuturo sa maagang gulang.
Inanunsiyo ito ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 3 Regional Director Gemma B. Gabuya sa ginanap na Seal of Child-Friendly Local Governance Awarding Ceremony sa Bulacan Capitol Gymnasium dito kung saan dalawang lungsod at 16 na bayan ng Bulacan ang ginawaran ng parangal kabilang ang mga Lungsod ng Meycauayan at Malolos at ang mga bayan ng Bulakan, Calumpit, Hagonoy, Paombong, Pulilan, Balagtas, Guiguinto, Pandi, Plaridel, Baliwag, Angat, Doña Remedios Trinidad, San Ildefonso, Santa Maria, Obando at Marilao.
Nakatanggap ang mga pinarangalan ng mega boxes na naglalaman ng learning materials, manipulative toys at mga instrumentong pangmusika mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.
Binati naman ni Gabuya ang mga day care at child development workers at pinasalamatan sila sa pagbibigay ng dekalidad na mga programa at serbisyo sa mga batang Bulakenyo.
“Ang mga bata ang ating strategic resource. Sila ang ating next generation at sasalo ng lahat ng ating ginagawa ngayon. So lahat ng mga efforts natin, physically, emotionally and psychologically ay towards sa normal growth and development of our children,” ani Gabuya.
Gayundin, hinamon ni Council for the Welfare of Children Deputy Executive Director Atty. Marijoy Segui ang mga pinarangalan na kamtin ang 100 porsiyento ng pagiging isang makabatang lalawigan.
“Ating isapuso at isaisip ang ating mga minimithi na child-friendly at child-sensitive society where every child fully enjoys his or her rights at pagtataguyod ng isang child-friendly Philippines na caring and protective for, by, and with the children,” ani Segui.
Samantala, binigyang diin ni Gobernador Wilhelmino M. Sy-Alvarado ang kahalagahan ng maagang edukasyon sa mga bata.
“Sinisimulan po natin sa murang edad, sinasabi ng siyensya na ang 80% ng kabuuan ng kaisipan ng isang bata at ang physical development of a child ay nabubuo sa edad isa hanggang anim na taon, kaya napakahalaga po ng early at preparatory education na nakukuha po natin,” anang gobernador.
Ang Seal of Child-Friendly Local Governance ay isang sistema ng pagkilala sa mga lokal na pamahalaan na nagbibigay ng positibong resulta para sa kapa-kanan ng mga bata. Nagsimula itong mag-awdit ng lahat ng lungsod at bayan noong 2014. A. BORLONGAN
Comments are closed.