MALOLOS CITY-MISTULANG naghahanap ng pagbabago ang mga Bulakenyo.
Ito ay nang maitala ang libo-libong nakiisa at sumuporta sa kandidatura nina Malolos City Mayor Atty. Christian Natividad at Board Member Anjo Mendoza bilang gobernador at bise-gobernador ng lalawigan ng Bulacan para sa May 2019 midterm elections.
Napatunayan ito nang marami ang nagpakita ng suporta sa tambalan nina Natividad at Mendoza na tatakbo sa ilalim ng partidong PDP Laban matapos magtipon-tipon sa Malolos City Sports Complex patungong Provincial Comelec Office sa Capitol compound sa lungsod na ito para ihain ang kanilang Certificate of Candidacy (COC).
Kabilang din sa nagpakita ng kanilang suporta ang ilang incumbent Municipal Mayor na kinabibilangan ni Balagtas Mayor Junior Gonzales na walang kalaban sa kanyang munisipalidad sa mayoralty race at todo-suporta rin si dating Bulacan governor Jonjon Mendoza para sa kanyang anak na tatakbong running-mate ni Natividad.
Si Natividad ay anak ni yumaong dating Cong.Teodulo Natividad na kilalang pilantropo at political kingpin habang ang kanyang ka-tandem na si Mendoza ay pamangkin ni dati ring 3 termer governor Josefina Mendoza-dela Cruz kaya asahang magiging mahigpit ang labanan sa Bulacan.
Nagsumite rin ng COC si Zander Tantoco bilang kandidatong Congressman sa 1st District ng Bulacan na kabilang din sa grupo nina Natividad-Mendoza at mula rin ito sa prominenteng pamilya ng mga negosyante sa nasabing distrito kaya inaasahang magbibigay ito ng magandang laban sa kanyang makakatunggali sa darating na eleksiyon. A. BORLONGAN