NANAWAGAN ang isang kongresista sa mga Bulakenyo na mag-ingat sa pagbili ng paputok at fireworks display para sa pagsalubong ng Bagong Taon at siguraduhing mula sa mga lisensiyadong tindahan ang kanilang mabibiling fire-crackers para matiyak ang kalidad nito upang maiwasan ang disgrasya o aksidente.
Ayon kay Cong. Jose Antonio Sy-Alvarado (1st Distrit, Bulacan), dapat tiyakin ng mga Bulakenyong mula sa rehistradong firecracker manufacturers ang kanilang mabibiling paputok at pailaw upang ligtas itong gamitin at sumusunod sa alintunin ng Fire-crackers Law o RA 7183 at iwasang tangkilikin ang ipinagbabawal na paputok.
Idinagdag pa ng kongresista na pamoso ang Bulacan lalo ang bayan ng Bocaue na tinaguriang Firecrackers capital of the Philippines kung saan mayroon lamang 29 lisensiyadong pagawaan at 95 lisensiyadong tindahan sa Bulacan na karamihan ay matatagpuan sa Bocaue, Baliwag, Sta. Maria at San Rafael.
Magugunitang noong isang linggo ay ininspeksiyon ng provincial government at Pyrotechnic Regulatory Board (PRB) ang pagawaan at tindahan ng paputok sa Bulacan upang masiguro na sinusunod ang mga batas at regulasyon na nakasaad sa Republic Act No. 7183 ng mga gumagawa at nagbebenta ng pyrotechnics at paputok.
Kabilang sa mga sinuri ng provincial government sa pakikipagtulungan ng PRB na binubuo ng mga kinatawan ng Philippine Pyrotechnics Manufacturers and Dealers Association Inc. (PPMDAI), Philippine Fireworks Association, Department of Trade and Industry (DTI) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Philippine National Police (PNP), Department of Labor and Employment (DOLE), Bureau of Fire Protection (BFP), Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) at iba pang industry stakeholders, ang Maribel Sta. Ana Fireworks sa Brgy. Duhat at R. T. Sayo Fireworks sa Brgy. Turo na pawang nasa Bocaue. A. BORLONGAN
Comments are closed.