ISANG Bulakenyo ang naging milyonaryo matapos na manalo ng P166 milyong jackpot prize sa MegaLotto 6/45 sa lotto draw na isinagawa kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma, sa Marilao, Bulacan nabili ng lotto winner ang kanyang winning ticket.
Nahulaan ng lucky bettor ang winning combination na 34-11-06-24-25-39 kaya’t naiuwi nito ang premyong P166,546,579.20.
Sinabi ni Garma na maaaring kubrahin ng winning bettor ang kanyang premyo sa PCSO main office sa Shaw Boulevard, Mandaluyong City.
Kinakailangan lang nitong magdala ng dalawang valid ID at ang winning number ticket.
Samantala, hinimok ni Garma ang publiko na tangkilikin ang mga laro ng PCSO dahil ang malaking porsiyento aniya ng kinikita rito ay napupunta sa kawanggawa.
Aniya pa, sa halagang P20 lamang ay maaari ka nang maging instant milyonaryo at nakatulong ka pa sa iyong kapwa. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.