Todos los Santos, Araw ng mga Santo, na ipinagdiriwang kapag November 1. Kasunod ng araw na ito ang All Souls’ Day o araw ng mga kaluluwa.
Dahil magkasunod na araw, pinagsasabay na lamang ang selebrasyon nito. At dahil hindi naman lahat ng tao ay naniniwala sa mga Santo, mas nabibigyan ng importansya ang mga namatay. Kapag Undas o All Souls’ Day, inaalala natin at binibigyang-pugay ang mga mahal nating namaalam.
Sa paniniwala ng mga Filipino, ang Undas ay ang araw ng paggunita sa lahat ng yumaong mahal sa buhay na hindi pa nakararating sa langit. Kung ang pagbabasehan naman kasi ay ang Biblia, wala pang nakaaakyat sa langit kundi si Elijah at si Dimas, kaya kung naniniwala kayong may kaluluwa, lahat sila ay nananatili pansamantala sa isang lugar na hindi natin alam at naghihintay ng huling paghuhukom.
Ang mga kaluluwang ito, ayon sa kuwento (na inimbento ko) ay binibigyan ng pagkakataon minsan isang taon na bumaba sa lupa at dumalaw sa kanilang mga kaanak. Binubuksan ang pinto ng purgatoryo, at mayroon silang 24 na oras upang makasama ang kanilang mga naiwan. Kinuha ko ang kuwentong iyan sa kantang ginagamit namin kapag nangangaluluwa noong bata pa kami sa Batangas.
“Kaluluwa kaming tambing na sa inyo’y dumadalaw.
Humihingi ng kaunting dasal at suman sa inyong hapag.
Kung kami po’y lilimusan, dali-dali na po lamang.
Baka kami’y mapagsarhan ng pinto ng kalangitan.”
Nakaugalian ng mga Batangueño na magluto ng napakaraming suman kapag Araw ng mga Patay, at ito ang ipinamimigay sa mga nangangaluluwa – o mga batang kumakanta sa harapan ng kanilang bahay tuwing October 31. Halos katulad ito ng kaugaliang “Trick or Treat” sa United States.
Ang pagkakaiba, sa halip na kendi ay suman ang ibinibigay sa mga bata; at sa halip na kakatok lamang at magsasabi ng trick or treat, kumakanta ang mga batang nagpapanggap na kaluluwang tambing. O kaluluwang ligaw. Ang mga kaluluwang ligaw raw ay iyong mga namatay sa hindi tamang panahon na kadalasan ay mga biktima ng karahasan.
Sa kanilang araw, mabuti man o masamang kaluluwa (tulad din ng buhay na tao na may masama at mabuti) ay nakagagala sa mundo, at nakadadalaw sa lugar kung saan sila namatay, sa lugar kung saan sila ibinurol, at sa lugar kung saan sila inilibing.
Sa isang nabasa kong aklat tungkol sa Occult and Mysticism, ang kaluluwa raw ay maaari lamang lumapit sa mga taong mahal niya at mahal din siya, o mga taong galit siya at galit din sa kanya, dahil mayroon silang koneksyon kahit noong nabubuhay pa siya. Iyon daw ang dahilan kung bakit hindi nakapaghihiganti ang mga kaluluwa ng mga taong pinatay. Maaaring galit sila sa killer, ngunit wala namang pakialam ang killer sa kanya kaya hindi niya ito malapitan o makilala man lamang.
Sa aking libro na may pamagat na 100 Tala sa Aklat ng Kamatayan (hindi pa po napa-publish dahil kulang pa ng 20 stories), ilang kasaysayan dito ay may temang tungkol sa pag-ibig at galit ng mga kaluluwa ng pumanaw. Ngunit bago tayo lumayo, talakayin natin ang role ng bulaklak at kandila para sa kanila.
Ayon sa matatanda sa aming probinsiya, nagtitirik ng kandila para sa mga namatay dahil ito ay nagsisilbing liwanag na kanilang tanglaw sa pagbabalik sa kanilang kanlungan. Sa kanilang pinanggalingan, hindi raw nahihirapan ang mga kaluluwang bumaba sa lupa dahil hinihigop lamang sila ng liwanag, ngunit sa kanilang pagbabalik, napakadilim at napakaputik daw ng daan, kaya kailangan nila ng tanglaw, at kung hindi ay maliligaw sila at tuluyang maglalaho. Mas maraming kandila, mas maliwanag. Kung wala raw makakaalalang magtirik ng kandila sa kanyang puntod sa Undas, mangangapa siya sa dilim kung talagang nais niyang makabalik sa langit, at sakaling maligaw, tuluyan na umanong maglalaho ang kanyang kaluluwa.
Ang bulaklak naman daw ay upang mapasaya ang kaluluwa habang naglalakbay pabalik. Nag-iiba raw ang kulay ng langit kapag may nag-alay ng bulaklak, kaya mas maraming bulaklak, mas maganda ang langit.
Ang Undas nga ay araw na laan sa pagdalaw sa puntod ng yumaong mahal sa buhay upang mag-alay ng dasal, bulaklak at kandila, ngunit nagiging isang masayang reunion na rin ito ng magkakamag-anak. Tulad ng Pasko, pinipilit ng mga miyembro ng pamilya na makadalaw kahit paano sa puntod ng kanilang yumao.
At pinaghahandaan din ito! Bago dumating ang mismong Undas, nililinis at pinipintahan muna ang mga puntod na dadalawin. Isa itong mahalagang araw upang makapiling ang mga yumaong kamag-anak. Kung minsan, nagtatagal sa sementeryong isa o dalawang araw ang mga kaanak na buhay, kaya upang malibang, naglalaro sila ng baraha, nagkakainan, kumakanta, at kung minsan, nagsasayawan pa sa sementeryo.
Lagi ring mapapansin na sa pagdalaw sa sementeryo lalo na sa gabi, na minsan sa isang taon, nagliliwanag ito sa dami ng kandila, at bumabango rin dahil sa mga bulaklak na iniaalay. NENET L. VILLAFANIA
Comments are closed.