BULK WATER SUPPLY PROJECT SA UPPER WAWA DAM, PINASINAYAAN

PERSONAL na dumalo si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa makasaysayang inagurasyon ng Bulk Water Impounding project sa Upper Wawa Dam sa bayan ng Rodriguez sa Rizal dakong alas 9 ng umaga nitong Hulyo 10.

Sa kaniyang talumpati, sinabi ng pangulo na malaki ang maitutulong ng proyektong Wawa Dam para sa mga tao upang magbigay ng karagdagang tubig sa panahon ng tagtuyot at ang isa pa sa benepisyo nito ay ang malawakang irigasyon sa lahat ng may mga sakahan sa lugar at maiwasan rin ang pagbaha.

Naging panauhin rin sina Police BGeneral Paul Kenneth Lucas, Regional Director PRO 4A, Rizal PNP Provincial Director PColonel Felipe Maraggun, Governor Nina Ricci Ynares, mga alkalde at mga kongresista sa lalawigan.

Samantala, ang proyekto ng Upper Wawa Dam ay ang pinakamalaking pribadong pinamumunuan na proyekto ng impraestraktura ng supply ng tubig sa kasaysayan ng bansa ayon sa kontraktor nitong WawaJVCo.

Sinabi ng kumpanya na ang dam ay magkakaroon ng kapasidad na hindi bababa sa 710 milyong litro kada araw (MLD) na magbibigay ng tuluy-tuloy na pinagkukunan ng tubig at mabawasang umasa sa tumatandang Angat-Iba System.

Sinabi ng WawaJVCo na mayroon itong aktibong 30-taong kasunduan na maghatid ng 518 MLD mula sa 710 MLD ng Upper Wawa Dam sa Manila Water na nag-iiwan ng 192 MLD ng labis na suplay.

Idinagdag ng kumpanya na ang mga benepisyo ng Upper Wawa Dam ay maaaring mapakinabangan sa pamamagitan ng pakikipagtulungan at mahusay na paggamit ng 710 MLD na kapasidad nito.

Inaasahang magsisimula ang commercial operation nito sa huling bahagi ng 2025.

Ang Wawa Bulk Water Supply Project ay isa sa mga infrastructure flagship project ng national government na tutugon sa water security partikular sa MWSS service area.

RUBEN FUENTES