BANTAY sarado ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang Mount Bulusan sa Sorsogon at Bulkang Kanlaon sa Negros Island dahil sa mga ipinapakitang pagtaas ng mga aktibidad at volcanic quakes.
Nitong Linggo, iniulat ng Phivolcs na nakapagtala sila ng 129 volcanic earthquakes sa Mount Bulusan sa Sorsogon, nitong nakalipas na 24-oras, mula sa dating 15 lamang sa nakalipas na monitoring period.
Sa bulletin na inilabas nitong Linggo, sinabi ng Phivolcs na ang bulkan ay nagbuga rin ng 556 tonelada ng sulfur dioxide flux nitong Sabado.
Ang moderate plume emissions ay umabot naman sa 150 metro ang taas, at tinangay patungong northwest at west-northwest.
Una nang nakapagtala ang Phivolcs ng phreatic eruptions sa bulkan nitong Hunyo 5 at 12 sanhi upang matabunan ng abo ang ilang barangay doon.
Nakataas pa rin naman ngayon ang Alert Level 1 sa bulkan na nananatili pa rin ang pamamaga at nangangahulugang posible pa ring magkaroon ng panibagong phreatic eruption sa mga susunod na araw.
Samantala, naitala naman ang 41 volcanic quakes sa Bulkang Kanlaon sa Negros Island simula noong Huyo 30 hanggang sa kasalukuyan.
Sa Kanlaon advisory nitong Linggo, nananatiling nasa alert level 1 ang naturang bulkan. Mayroon ding volcanic gas movement sa upper slopes ng bulkan.
Ayon sa Phivolcs, ang pagtaas ng mga sesimic activity at short term ground formation ay maaaring dahil sa shallow thermal processes sa ilalim na maaaring magresulta ng steam driven at phreatic eruptions.
Binalaan rin ng ahensiya ang mga residente na naninirahan sa paligid ng river channels hinggil sa posibleng pag-agos ng lahar kung magkakaroon ng malalakas at matagal na mga pag-ulan sa lugar.
EVELYN GARCIA