(Bulkang Bulusan muling sumabog) 4 NA BAYAN NATABUNAN NG ASHFALL

Phivolcs Director Renato Solidum

MADALING araw ng Linggo muling nataranta ang maraming residente sa ilang bayan nang muli sumabog ang Bulkang Bulusan sa Sorsogon.

Ayon sa mga awtoridad, mas malakas ito kumpara sa pagputok noong nakaraang Linggo kaya nagkaroon muli ng evacuation.

Sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), alas-3:37 ng madaling araw nang muling magkaroon ng phreatic eruption ang bulkan, na tumagal nang 18 minuto.

Ani PHIVOLCS Director Renato Solidum, bagaman wala pang dahilan para itaas ang alert level ng bulkan na nasa Level 1 pa rin ay nagbabala ito sa patuloy pa ring mararanasan ang pag- aalburuto ng bulkan at posible pa ang mga susunod na pagputok.

Dahil sa pagsabog, nabagsakan ng abo ang maraming barangay sa mga bayan sa paligid ng bulkan na agad din nilinis ng mga residente pagdating ng umaga.

Sinasabing may 12 barangay sa bayan ng Juban, Sorsogon ang nasapol ng pagbasak ng abo gayundin ang mga bayan ng Irosin, Casiguran at Castilla.

Agad namang kumilos ang mga tauhan ng Philippine Army, Philippine Coast Guard habang nagsagawa ng flushing ng mga abo sa kalsada ang Bureau of Fire Protection at umalalay naman sa trapiko ang pulisya.

May 105 pamilya na binubuo ng 340 indibiduwal mula sa Barangay Putting Sapa sa bayan ng Juban ang kailangan ilikas sa Juban Evacuation Center and Gymnasium.

Samantala, kinansela ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang ilang flights kahapon dulot ng muling pag-aalburuto ng Bulkang Bulusan. VERLIN RUIZ