BULKANG KANLAON MULING NAGBUGA NG SULFUR DIOXIDE

NEGROS OCCIDENTAL- MULI na namang nagbuga ng makapal  na sulfur dioxide ang Bulkang Kanlaon kaya’t paalala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa publiko na maging alerto at iwasan ang pagpasok sa permanent danger zone sa paligid ng bulkang Kanlaon.

Sa abiso ng PHIVOLCS, muling nagbuga kahapon ng makapal na volcanic sulfur dioxide ang bulkan na may average na 4,839 tonelada.

Ito na ang ikatlong pinakamataas na gas emission mula sa bulkan na naitala ngayong taon at pang-apat mula nang magsimula ang instrumental gas monitoring.

Ayon sa PHIVOLCS, nananatiling mataas ang aktibidad ng bulkan at hindi isinasantabi ang posibilidad na magkaroon pa ng phreatic explosion.

Sa nakalipas na 24 oras, nakapagtala ng 20 volcanic earthquake sa Kanlaon at plume na may 500 metro ang taas at napadpad sa Hilagang bahagi nito.

Sa ngayon, nananatili pa ring nakataas sa alert level 2 ang bulkang Kanlaon.

EVELYN GARCIA