NEGROS ISLAND – NAIREHISTRO ang tatlong beses na pagbuga ng abo at 17 volcanic earthquake sa loob ng 24 Oras ang Bulkang Kanlaon nitong Sabado, Oktubre 19.
Naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang tatlong magkakasunod na “ashing” events bandang alas 6:41 ng umaga , sinundan ng alas 7:01 at ang pinakahuli ay dakong alas 8:01 ng umaga.
Tumagal ang mga ito ng dalawa hanggang anim na minuto at mayroon itong taas na 500 metro.
“Volcanic ash in the degassing plume signifies open vent conditions in which volcanic gas can carry fine debris from fractured rock or even from the margins of shallow magma beneath the edifice,” saad sa ulat ng Phivolcs.
Naitala naman ang mga bakas ng abo sa Barangays Yubo at Ara-al sa La Carlota City; at sa Barangay Sag-ang sa La Castellana.
Naiulat din ang masangsang na amoy ng asupre sa Barangay Yubo.
Sa nakalipas na 24 na oras nakapagtala din ng 17 volcanic earthquake kasunod ng tatlong ashing events.
Ayon sa PHIVOLCS, nagbuga ang summit crater ng Bulkang Kanlaon ng 2,769 tons ng sulfur dioxide nitong Biyernes.
Mas mababa ito sa average na 4,133 tons per day mula nang pumutok ito noong Hunyo 3.
Samantala, mayroon ding naitalang 12 volcanic earthquakes sa bulkan.
Nananatili sa Alert Level 2 ang babala sa Bulkang Kanlaon.
EVELYN GARCIA