(Bulkang Kanlaon nasa heightened alert) NAGBABADYA NG ISANG NAPAKALAKING PAGSABOG

NAGLABAS ng babala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismologist (PHIVOLCS) na pina­ngangambahan ang isang napakalaking pagsabog na katulad ng nangyari noong Hun­yo 3 sa Bulkang Kanlaon sa Negros Island habang ang bulkan ay nananatiling nasa ilalim ng heightened alert.

Muling iginiit ng PHIVOLCS na ang Alert Level 2 ay nangangahulugan na ang Kanlaon ay nasa isang estado ng pagtaas ng pag-aalburoto.

“Right now nasa Alert Level 2 ang Kanlaon Volcano at pwede pa rin itong mag-escalate further ang kanyang activities. Yes, possible na puputok pa rin ito,” ani PHIVOLCS Director Teresito Bacolcol.

Idinagdag nito na ang steam-driven explosions o phreatic eruptions ay malamang na mangyari rin sa lalong madaling panahon.

“For phreatic eruption, posible pa rin kahit nasa Alert Level 0…kaya ang recommendation natin sa ating mga kababayan na huwag pumasok sa loob ng 4-kilometer permanent danger zone kasi pwedeng magkaroon ng phreatic eruption anytime,” dagdag pa ni Bacolcol.

Napansin ng PHIVOLCS ang pagtaas ng aktibidad ng seismic sa bulkan noong Setyembre 9, tatlong buwan lamang matapos itong pumutok.

Nabatid na mula alas-12 ng madaling araw ng Huwebes hanggang alas-12 ng mada­ling araw ng Biyernes ang mga seismologist ng estado ay nagtala ng 45 volcanic earthquakes.

Noong Setyembre 19, nakapagtala ang PHIVOLCS ng karagdagang sulfur dioxide emissions mula sa Kanlaon crater na kasalukuyang may average na 8,932 tone­lada bawat araw.

Sa kaso ng pagkakalantad sa sulfur fumes, pinapayuhan ng PHIVOLCS ang publiko na uminom ng maraming tubig para sa mga kaso ng paglanghap at banlawan ang mga mata ng malinis na tubig kung may iritasyon sa mata.

EVELYN GARCIA