BULKANG KANLAON POSIBLE MULING SUMABOG

NEGROS OCCIDENTAL – MAY posibilidad na magkaroon ng pagsabog ang Bulkang Kanlaon, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) nitong Martes kasunod ng serye ng volcanic earthquakes.

“Nasa Alert Level 2 ang Kanlaon ngayon. Ibig sabihin pwede itong mag-escalate further ‘yung activity. Yes, posible po na puputok ulit ito,” ani  PHIVOLCS chief Teresito Bacolcol sa ilang mga mamamahayag.

Dahil dito, pina­yuhan ni Bacolcol ang mga kinauukulang residente at lokal na pamahalaan na maging mapagmatyag.

Sa kanilang bulletin nitong Martes, sinabi ng PHIVOLCS na 37 volcanic earthquakes ang naitala sa Kanlaon Volcano mula alas-12 ng umaga ng Lunes hanggang alas-12 ng umaga nitong Martes.

“Ang ibig sabihin nito ay maaaring may magma na umaakyat o umaangat at binabasag ang mga bato kaya nagkakaroon po tayo ng paglindol,” saad ni Bacolcol.

May kabuuang 2,794 tonelada ng sulfur dioxide emission ang ibinuga mula sa bulkan noong Martes.

Ang napakalaking pagbuga ng mga usok hanggang 800 metro ang taas ay naobserbahan mula sa bulkan na naanod sa direksyong hilagang-silangan.

Ang Alert Level 2 ay nangangahulugan ng pagtaas ng kaguluhan sa Kanlaon Volcano.

Sa ilalim ng Alert Level 2, ipinagbabawal ang pagpasok sa apat na kilometrong radius na Permanent Danger Zone (PDZ) at ang paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid na malapit sa bulkan.

Maaaring maulit ang biglaang pagputok ng Bulkang Kanlaon katulad ng naranasan noong Hunyo 3 na  tumagal ng anim na minuto at nagbuga ng mga usok na umabot sa 5,000 metro.

EVELYN GARCIA