BULKANG MAYON ITINAAS SA ALERT LEVEL 3

BUNSOD ng mga ipinakitang abnormalidad ng bulkan ay itinaas na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa alert level 3 ang Mayon volcano, ilang araw lamang matapos itong ilagay sa alert level 2.

Ayon sa Phivolcs, ang pagtataas ng alerto ay upang bigyan ng babala ang publiko sa posibleng phreatic eruptions o hazardous magmatic eruption na maaaring maganap sa mga susunod na araw o linggo.

Bunsod nito, inalerto ng National Disaster Risk reduction Management Council at Office of Civil Defense ang opisyales ng local government units na nakakasakop na posibleng maapektuhan sakaling mag-alboroto ang bulkan.

Base sa isinumiteng ulat ng Phivolcs, dumarami ang naobserbahang abnormalidad ng bulkan sa nakalipas na mga araw.

“DOST-Phivolcs is raising the Alert Level of Mayon Volcano from Alert Level 2 to Alert Level 3,” ayon sa inilabas na kalatas ng ahensiya kahapon.

Una rito, nakita sa aerial survey na patuloy ang paglaki ng lava dome sa crater ng bulkan at patuloy na mga rock falls.

Nakita pa sa ocular inspection nina resident volcanologists Dr. Paul Alanis at Albay Provincial Safety and Emergency Management Officer Dr. Cedric Daep ang bagong mga labas na lava dahilan ng paglaki ng lava dome.

Nagpahayag na rin ang provincial government ng Albay na naghahanda na ang Sangguniang Panlalawigan sakaling itaas pa ang alerto ng Bulkang Mayon.

Sinabi pa ni Albay Governor Grex Lagman, may mga nakahanda ng family food packs ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol na ipapamigay sa mga residenteng maaaring maapektuhan ng aktibidad ng bulkan.

Naabisuhan na rin ang mga local government units na magbantay sa kanilang mga nasasakupan lalo na sa mga lugar na malapit sa paanan ng bulkan at magbigay ng mga face mask sakaling magkaroon ng ash fall.

Habang naghahanda na rin sa isasagawang pre-emptive evacuation sa mga residenteng nasa malapit sa permanent danger zone.

Bagaman, itinaas na sa Alert Level 3 ang Mt. Mayon, wala namang kanseladong flights kung saan hanggang kahapon ay nananatiling normal ang biyahe ng mga eroplano sa Bicol Region sa harap ng lalo pang pagbuga ng abo ng Bulkang Mayon.

Sa kabila nito, nanindigan ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa paalala nito sa mga piloto na iwasang dumikit malapit sa bulkan. VERLIN RUIZ