BICOL – INIULAT Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na nakapagtala ng siyam na rockfall events ang bulkang Mayon, ayon sa pinakahuling ulat nitong Disyembre 27.
Sa kabila nito, nananatiling nakataas sa Alert Level 1 ang estado ng Mayon at nakapagtala rin ng mahinang banaag o crater glow sa bunganga ng bulkan, ngunit natatakpan ito ng ulap.
Nakapagtala din ng nasa 1,058 tonelada kada araw ng Sulfur Dioxide na ibinunga ng Bulkang Mayon base sa monitoring ng ahensya noong Disyembre 2 at katamtamang pagsingaw o plume na napadpad sa kanluran-timog-kanluran.
Nagkaroon din ng panandaliang pamamaga ang nasabing bulkan.
Sa ngayon, ipinagbabawal pa rin ang pagpasok sa loob ng 6 km Permanent Danger Zone at paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa ibabaw ng bulkan.
Nagbigay din ng paalala ang ahensya sa publiko na maaaring maganap ang biglaang pagputok ng steam o phreatic explosions sa bulkan o magkaroon ng rockfall mula sa tuktok ng bulkan.
Dagdag pa ng ahensiya na may posibilidad din maganap ang pagdaloy ng lahar kung may matinding pag-ulan.
EVELYN GARCIA