BULKANG MAYON TULOY-TULOY SA PAG-AALBOROTO

LEGAZPI CITY – TULOY-TULOY pa rin ang pagpapakita ng abnormalidad ng Mayon volcano kung saan ay hindi pa rin nawawala ang crater glow at mataas na gas output nito.

Dahil dito, nanindigan ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na hindi pa maaaring ibaba ang alert level nito.

Ayon kay Phivolcs resident volcanologist Ed Laguerta, kailangang manatili sa Alert Level 2 status ang bulkan dahil maigting pa rin ang pagbabantay sa mga aktibidad at galaw nito.

Batay sa current geochemical survey, above normal ang sulfur dioxide emission na nasa 1,287 tonelada bawat araw.

Dagdag pa ni Laguerta, wala rin umanong pagbabago sa crater glow kahit minsan ay hindi naoobserbahan dahil sa kapal ng steam o ulap na patungo sa timog-kanluran partikular na sa direksiyon ng bayan ng Camalig at Guinobatan.

Sinabi pa nito, sakaling ibaba ang alert level, pinangangambahang mayroong aakyat sa summit na ngayon ay mainit pa ang lava at malakas pa ang steam.

At kung sakaling magkaroon ng rockfall  mula sa lava, posibleng magkaroon din ng pyroclastic flow.

Comments are closed.