BULKANG TAAL: MALAKI BA O MALIIT ITO?

Magkape Muna Tayo Ulit

Noong Linggo ng umaga, binulaga tayo ng pagputok ng Bulkang Taal. Naitala na mahigit 15 kilometro ang taas ng usok na  ibinuga nito. Umabot ang ashfall ng nasabing bulkan hanggang sa Metro Manila at sa lalawigan ng Bulacan at Pampanga.

Ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ay nagbigay ng babala na posibleng magkaroon pa raw ng mas grabeng pagsabog ang Taal Volcano sa mga susunod na araw. Sana naman ay hindi mangyari ito. Naramdaman natin ang epekto ng malakas na pagsabog ng Mt. Pinatubo noong 1991. Matagal ang idinulot na pinsala ang pagsabog ng Pinatubo. Pagkalipas ng mahigit na isang dekada, walang tigil pa rin ang pagragasa ng lahar na sumira sa mga bayan sa lalawigan ng Zambales, Tarlac at Pampanga tuwing pag-sapit ng tag-ulan.

Subali’t kung pagmamasdan ninyong mabuti, hindi roon sa tradisyonal na nilalarawan na Taal Volcano nagmula ang pagsabog nito. Nasa likuran ito na nakikita nating “Taal Volcano” ang nagbuga ng napaka-lakas na usok.

Kaya naman, nagkaroon ng palaisipan kung ang Taal Volcano ay isang maliit na bulkan o hindi kaya isang mala­king  bulkan na nasa ilalim ng lawa.

Batay sa pagsasaliksik, ang lawa ng Taal o Taal Lake ay dating kasama sa karagatan ng Balayan Bay sa lalawigan ng Batangas mahigit ilang siglo na ang nakararaan. Noong 18th century, nagkaroon ng sunod-sunod na pagsa­bog ang Taal Volcano na nagresulta sa pagsara nito sa dagat at naging lawa. Ang ebidensya nito ay ang isdang tawilis na makikita lamang sa Taal Lake. Ang isdang ito ay isang uri ng sar-dinas. Ang sardinas ay isang uri ng isda na makikita lamang sa tubig alat. Ang tawilis ay nasa tubig tabang ng Taal Lake.

Kaya naman, hindi kaya ang Taal Lake ay isang malaking crater o kaldero na orihinal na bunganga ng Bulkang Taal? At ang dalawang maliit na isla kung saan alam natin na bulkan ay nagsisilbing ‘puyo’ o ‘nunal’ lamang ng toong bulkan na nasa ilalim ng dagat?

Kung totoo ang teoryang ito, nakakatakot isipin kapag sumabog ito tulad ng Mt. Pinatubo! Siguradong magbabago ang kalupaan ng lalawigan ng Batangas at Cavite. Marami ang maaring mapinsala sa gani-tong senaryo. May mahigit na 25 million ang populasyon ang nakatira sa isang daang kilometro sa palig-id ng Taal Volcano.

Batay sa kasaysayan, ang Taal Volcano ay isa sa pinakaaktibo na bulkan sa Filipinas. Noong 1754, patuloy ang pagsabog nito sa loob ng anim na buwan. Noong 1911, sumabog din ito at kumitil ng 1,335 na tao. Pagkatapos ay pumutok muli ito ng malakas noong 1965 at  190 ang namatay.

Manalangin na lang tayo na hindi sumabog ng malakas o huminto na ang pag-alboroto ng Bulkang Taal. Dasal at kahandaan ang mahalaga sa panahon na ito.

Comments are closed.