BULKANG TAAL NASA LEVEL 3 PA RIN- PHILVOCS

NANANATILI pa ring nasa Alert Level 3 ang Taal Volcano hanggang nitong Linggo dahil sa patuloy na pagtala ng mga phreatomagmatic eruptions, ayon sa Phi­lippine Institute of Volcanology and Seismo­logy (Phivolcs).

“Sa kasalukuyan, ang ating rekomendasyon ay mananatili ang Alert Level 3. Ibig sabihin may magmatic activity, ang magma ay nagi-intrude o umaakyat papunta sa crater nang dahan-dahan, at ang pagdampi at interaksyon ng mainit na magma at tubig ay sanhi ng mga pagsa­bog,” ayon kay Phivolcs Director Renato Solidum sa isang panayam sa radyo nitong Linggo.

Base sa pinakahuling bulletin ng Phivolcs, nabatid na nakapagtala sila ng dalawang phreatomagmatic events noong Sabado ng gabi at dalawa pa nitong Linggo ng umaga.

Mayroon ring naiulat na 14 na volcanic earthquakes, kabilang ang 10 tremors, na tumatagal ng hanggang tatlong minuto.

Sinabi naman ni Solidum na dalawa sa pagsabog nitong Linggo ang naglabas pa ng mga plumes na umaabot ng hanggang 800 metro.

Tiniyak rin niya na patuloy nilang oobserbahan ang mga aktibidad ng bulkan sa loob ng dalawang linggo bago muling magdesisyon kung ano ang magiging bagong alerto nito.

Dagdag pa ni Solidum, kahit pa ibaba nila ang alerto ng Taal sa Level 2 ay may posibilidad pa rin na magkaroon ito ng mas malakas na pagsabog.

“Kasi nga nakaumang ‘yong magma sa ilal­im. Kung umakyat ito, ‘yan ang magti-trigger ng mas malakas na pagsabog,” ani Solidum.

Paliwanag pa niya, hindi naman ‘unusual’ para sa isang bulkan na maging aktibo sa loob ng dalawang taon.

Sa kaso aniya ng Taal, ang mga aktibidad nito ay nagsimula pa noong Enero 2020. Ang huli aniyang malakas na pagsabog ng Taal ay naitala noong 1965 at nanatili itong aktibo hanggang 1977.

Kaugnay nito, pina­yuhan ni Solidum ang mga residente na malapit sa Taal na magsuot ng N95 masks upang maprotektahan ang kanilang sarili laban sa ashfall na ibinubuga nito.

Matatandaang nitong Sabado ay itinaas ng Phivolcs ang Taal Volcano sa Alert Level 3 matapos na makapagtala ng phreatomagmatic burst.

Agad ding inilikas ng mga awtoridad ang mga residente na malapit sa bulkan para na rin sa kanilang kaligtasan. EVELYN GARCIA