Laro ngayon:
(Filoil Flying V Centre)
3 p.m. – NU vs Ateneo (Jrs Finals)
SISIMULAN ng dalawang nalalabing koponan sa UAAP Season 81 juniors basketball tournament, ang National University at Ateneo, ang kanilang best-of-three Finals series ngayon sa Filoil Flying V Centre.
Nasa kanilang ika-8 sunod na Finals appearance, umaasa ang Bullpups na mababawi ang korona na huli nilang napanalunan noong 2015-16 season sa likod nina Terrence Fortea, Gerry Abadiano, Cyril Gonzales, Carl Tamayo at Kevin Quiambao.
“We do our best every day. Regardless kung ano ang mangyayari, we give our best lang,” wika ni NU coach Goldwin Monteverde.
Ang Bullpups ay yumuko sa Blue Eaglets sa championship series noong nakaraang taon, 2-1.
Batid ni Kai Sotto, ang ‘tower of power’ ng Ateneo, na mas gutom na koponan ang NU sa paglarga ng Game 1 sa alas-3 ng hapon.
Ang Eaglets ay winalis ng Bullpups sa kanilang elimination round head-to-head ngayong season.
“Ayun nga, kailangan naming paghandaan talaga nang mabuti ‘yung NU kasi ‘di sila magiging 13-1 ng patsamba-tsamba lang,” pahayag ng 7-foot-1 na si Sotto. “Kailangan din naming maging ready kasi alam naming ibibigay talaga ng NU ‘yung lahat.”
Nakatakda ang Game 2 sa Biyernes, habang ang deciding game, kung kinakailangan, ay lalaruin sa susunod na Lunes, Pebrero 25.