PUERTO PRINCESA – NATUDLA ng dalawang archers na sina Aldrener Igot ng Cebu City at Naina Dominique Tagle ng Dumaguete City ang kanilang ika-6 at ika-5 gintong medalya, ayon sa pagkakasunod, sa pagpapatuloy ng kumpetisyon sa 2019 Batang Pinoy National Finals sa RVM Sports Complex dito.
Naghari ang 14-anyos na si Igot, Grade 9 sa Don Carlos Gothiong Memorial School, sa Olympic round boys upang sundan ang mga nauna niyang panalo sa 40m, 50m at FITA, gayundin sa 20m at 30m sa ikalawang araw ng kumpetisyon.
“Masaya po ako kasi nakuha ko po ‘yung pang-six. Walo po talaga ang target ko, sana po makuha ko,” ayon kay Igot.
Pinataob ni Igot ang pambato ng host city na Puerto Princesa na si Nathaniel Carlos, 6-2, sa naturang Olympic round.
Ngayong araw na ito ay sasabak si Igot sa mixed events at boys’ team para sa kanyang ika-7 at ika-8 gintong medalya.
Inasinta naman ng 11-anyos na si Tagle ang kanyang ika-5 ginto matapos na talunin si Shayne Dinopol ng Cebu City sa Olympic round girls Cubs.
“I was perfectly fine with the rain and I’m happy because I was able to get the golds. My ate (Nicole) told me to do my best so I just did it,” ani Tagle.
Naunang nangibabaw sa 40m, 50m, fits at 20m si Tagle na kapatid ng national team member ng archery na si Nicole Tagle
Sa athletics, apat na ginto naman ang nakuha ni Siklab Youth awardee Magvrylle Chrause Matchino ng Laguna Province matapos na magreyna sa 1500m girls (5.05.0), 4x100m girls (52.4), 2000m steeplechase (7:38.8) at sa 4x400m girls (4.17.3).
Sa panalo sa 4x400m relay ng 14-anyos na Grade 10 student sa Siniloan Integrated National High School ay umangat ang Laguna sa medal standings sa ika-5 puwesto na may 12-16-9.
Si Matchino ay kasama sa delegation nang dominahin ng Laguna ang Luzon leg ng Batang Pinoy sa Ilagan, Isabela.
Sa gymnastics, dalawang gintong medalya ang iniuwi ng kapatid ni Karl Eldrew Yulo na si Elaiza Andriel matapos na magwagi sa individual all-around at vault event.
Sa cycling ay ibinulsa ni Pangasinan pride Ruben de la Cruz ang kanyang ikalawang ginto sa mountain bike boys 11-under sa oras na 7:21.8. CLYDE MARIANO
Comments are closed.