BULLS PINAAMO NG SIXERS

NAGBUHOS si Joel Embiid ng 40 points, 10 rebounds at 2 blocked shots upang pangunahan ang Philadelphia 76ers sa 119-108 panalo laban sa host Chicago Bulls.

Ito na ang ika-7 pagkakataon na umiskor si Embiid ng hindi bababa sa 40 points ngayong season.

Tumipa si Tobias Harris ng 23 points, nagdagdag si Tyrese Maxey ng 16 at kumubra si Seth Curry ng 12 para sa Sixers, na pinutol ang two-game losing streak.

Nanguna si DeMar DeRozan para sa Bulls na may 45 points, 9 rebounds at 7 assists. Kumubra si Nikola Vucevic ng 23 points at nag-ambag sj Javonte Green ng 17.

NUGGETS 124,

NETS 104

Nagsalansan si Nikola Jokic ng 27 points, 12 rebounds at 10 assists, nagdagdag si Will Barton ng 21 points, at tinalo ng Denver ang bisitang  Brooklyn.

Nakalikom si Aaron Gordon ng 17 points, gumawa sina Monte Morris at Jeff Green ng tig-12, kumabig si Bryn Forbes ng 11 at nagtala si Zeke Nnaji ng 10 upang tulungan ang Denver na wakasan ang three-game losing streak.

Tumapos si Kyrie Irving na may 27 points at 11 assists, tumipa si Cam Thomas ng 20 points, tumabo si Blake Griffin ng 19, umiskor si Patty Mills ng14 at kumamada si Bruce Brown ng 10 para sa Brooklyn, na natalo ng walong sunod.

BUCKS 137,

CLIPPERS 113

Nakakolekta si Giannis Antetokounmpo ng 28 points, 10 rebounds at 5 assists at nagdagdag si Jrue Holiday ng 27 points at 13 assists nang gapiin ng bisitang Milwaukee ang Los Angeles.

Nagdagdag si Bobby Portis ng 24 points at 11 rebounds para sa Bucks na nanalo ng dalawang sunod sa pagsisimula ng four-stop Western Conference road trip.

Kumana si Norman Powell ng 28 points sa kanyang debut sa Clippers at nag-ambag si Marcus Morris Sr. ng 20 para sa Los Angeles na natalo sa ikatlong pagkakataon sa kanilang huling limang laro.

Kumubra si Robert Covington, nasa kanyang debut sa Clippers, ng 13 points. Sina Powell at Covington at kinuha sa isang trade noong Biyernes mula sa  Portland Trail Blazers.

Sa iba pang laro ay pinabagsak ng Pelicans ang Rockets, 120-107; ginapi ng Cavaliers ang Pacers, 98-85; namayani ang Timberwolves sa Pistons, 118-105; dinispatsa ng Celtics ang Magic, 116-83; at kinatay ng Mavericks ang Hawks,103-94.