BULTO NG ARMAS AT BALA NAREKOBER SA NPA CAMP

armas at bala

NUEVA ECIJA – NAKUBKOB ng militar at umano’y kuta ng New People’s Army (NPA) sa Carranglan kung saan narekober ang maraming bilang ng armas at bala.

Ayon kay Lt. Col. Goerge Bergonia, commanding officer ng 84th Infantry Battalion Philippine Army na matapos ang naganap na sagupaan noong Disyembre 5, 2018 sa Pantabangan ay nasundan nila ang mga NPA sa bayan ng Carranglan.

Napasok nila ang kampo ng mga NPA matapos silang nakatanggap ng impormas­yon mula sa mga sibilyan na maraming armadong lalaki ang umakyat sa Caraballo Mountain na sakop ng Minuli, Carranglan.

Ayon kay Bergonia, nahukay nila sa kampo ng Kilusang Larangang Guerilya Caraballo ang arms cache na nakalagay sa dalawang plastic blue na drum.

Ang mga nakum­piska ay pitong M16 rifles, isang Icom radio, 4 short M16 magazines, isang M14 magazine, 20 rounds ng M14 ammunition, 1,100 rounds ng M16 ammunition, 3 improvised explosives device, 5 blasting caps, detonating cord, binocular, 13 cellular phones na iba’t iba ang brand, 4 power bank, 5 chargers, 3 extension chargers, 2 baterya, 11 sim cards at 11 memory adaptors.

Ang nakubkob ng militar na kampo ng mga NPA ay tradisyunal nilang kuta na kanilang binabalik-balikan.

Mayroon din silang mga kampo sa iba pang bahagi ng Caraballo mountains. PILIPINO Mirror Reportorial Team

Comments are closed.