BUMALIGTAD NA SUV BUKING SA P1.4-M MARIJUANA

BENGUET – REHAS na bakal ang binagsakan ng magkasabwat sa drug trade makaraang makumpiskahan ng P1.4 milyong halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana na kanilang itinapon sa ilog sa bahagi ng Hydro 2, Camp 6, Camp 4 sa Kennon Road, Tuba sa lalawigang ito nitong Lunes ng hapon.

Base sa ulat ng Tuba Municipal Police Station, may naganap na vehicular traffic accident sa nasabing lugar kung saan bumaligtad ang isang Ford Ranger Pick-up na may plakang ABC 3265 bandang alas-4:40 ng hapon.

Kaagad na rumesponde ang mga operatiba ng Baguio City Police Station 8 at Tuba MPS kung saan kapwa sugatan ang driver na 40-anyos na si Jimsie Galang Salazar ng 13IR Maliksi II, Bacoor City, Cavite at pasahero nitong si Justice Jerome Baisa ng #20 Saint Lukes, Marvi Hills, Brgy. Gulod, Malaya, San Mateo, Rizal habang ang kanilang pick-up ay nagtamo ng heavy damages.

Napag-alamang patungong northbound lane na ang sasakyan nang biglang mag-malfunction ang preno kaya naganap ang sakuna.

Agad naman tinulungan ng mga pulis ang dalawa na dalhin sa pagamutan subalit isa sa nakasaksi sa aksidente ang nagbigay ng impormasyon sa pulis na ang dalawa ay may itinapong box sa ilog na malapit sa accident site.

Dito na nagsagawa ng ocular inspection ang pulisya sa nasabing lugar kung saan nadiskubre sa gilid ng ilog ang medium box na naglalaman ng 12 pirasong tubular form na pinatuyong dahon ng marijuana.

Kaagad na nakipag-ugnayan ang pulisya sa mga opisyal ng barangay, PDEA-CAR, at Assistant Provincial Prosecutor para sa inventory ng illegal drugs sa mismong accident site habang ang dalawang suspek ay binitbit sa Tuba MPS for documentation. MHAR BASCO