PATAY ang isang dating pulis na hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo sa pagpatay sa mag-ina sa Paniqui,Tarlac sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa city kagabi.
Ayon kay Bureau of Correction (BuCor) Deputy Director General Gabrile Chaclag, si dating Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca ay namatay dakong ala-6:44 ng gabi sa NBP Hospital.
Dagdag pa ni Chaclag,si Nuezca ay dinala sa NBP hospital ng kanyang kasamahan sa selda dakong ala- 6:30 ng gabi matapos na ito ay makitang bumagsak at mawalang ng malay habang naglalakad sa labas ng kanilang dormitoryo.
Sinabi pa ni Chaclag na isasailalim sa autopsy ang katawan ng pulis upang malaman ang dahilan ng kamatayan nito at alamin kung may “foul play”na nangyari.
Matatandaan na nitong Agosto 26 si Nuezca ay hinatulan ni Judge Marie Q. Gandia ng Asuncion Paniqui Regional Trial Court na habambuhay na pagkakakulong matapos na mapatuyang guilty sa krimen na two counts ng murder sa pagpatay sa mag-inang sina Sonia Gregorio,53 at anak nitong si Frank Anthony,23 na mangyari ang insidente.
Bukod sa habambuhay na pagkakulong ay inutusan din ng korte na magbayad sa pamilya ng mga biktima ng P100,000 para sa civil indemnity; P100,00 para sa moral damages, P100,00 para sa exemplary damage, P126,280 para sa actual damages at P50,000 para sa temperate damages na may interes ns six percent per annum sa pinal na desisyon hangang sa ito ay mabayaran ng buo.
MARIVIC FERNANDEZ