BUMARIL SA RETIRADONG PULIS NATUKOY SA CCTV

RIZAL- NATUKOY na ng Taytay PNP ang isa sa dalawang suspek ng pamamaril sa retiradong pulis na si Gary Boco sa pamamagitan ng CCTV footage.

Patuloy ang isinasagawang pagtugis para sa tuluyang pagdakip sa suspek.

Ayon sa ulat, naganap ang madilim na insidente dakong alas-2:50 ng hapon nitong Mayo22 habang nagbabantay ng tindahan ang biktima sa Sitio Pag-Asa, Brgy. Sta. Ana Taytay nang sumulpot ang dalawang suspek na sakay ng motorsiklo kung saan bumaba ang backride nito, tinutukan ng baril ang biktima at nagdeklara ng hold-up.

Nagawa pang lumaban ng biktima at nahawakan ang baril ng suspek sa kanilang pambubuno ngunit, sinamang palad na dalawang tama ng bala ang natamo ng biktima sa magkaibang bahagi ng katawan.

Agad namang naisugod sa Taytay Emergency Hospital ngunit idineklara ang biktima na dead on arrival ng attending physician.

Nagawang makatakas ng mga suspek na naglakad patungo sa Barkadahan Bridge Floodway.

Samantala, patuloy ang isinasagawang follow-up operations ng mga pulis upang mahuli ang mga suspek.

Nagpaabot naman ng pakikiramay si Col Felipe B Maraggun, Provincial Director, Rizal Police Provincial Office sa naulilang pamilya ng biktima.

Kasabay ng pag-atas na paigtingin ang isinasagawang imbestigasyon upang matunton ang mga suspek. ELMA MORALES