CAVITE-SUMUKO kahapon ng umaga ang motorcycle rider at angkas nito na bumaril at nakapatay sa traffic enforcer matapos ang isang pagtatalo sa Barangay Daang Amaya, Tanza sa lalawigang ito.
Sa pahayag ni Cavite police director Col. Christopher Olazo, ang mga suspek na sina Joseph Llagas, 37-anyos at Aries Carlos ay personal na nagtungo sa tanggapan ni Cavite Governor Jonvic Remulla nitong Lunes ng umaga kung saan inamin ng mga ito ang nagawang krimen.
Si Llagas na siyang nakita sa video na bumaril sa biktimang si Wiliam Quiambao, residente ng Barangay Biga, Tanza ay napag-alaman na close-aide ng isang pulitiko at minsan nang nasangkot sa double murder case noong 2020 at isa pang kaso hinggil naman sa illegal possession of firearm.
Hindi naman masabi ng pulisya kung paano nakalabas sa piitan si Llagas sa mga nabanggit na krimen.
Samantala, si Carlos ang nakitang may sukbit na baril na siyang kinuha ni Llagas at ginamit sa pamamaril sa biktima.
Sinamahan ang dalawang suspek ng kanilang mga kaanak ng magtungo sa tanggapan ng gobernador.
Nauna rito, nagpahayag nang pagsuko sina Llagas at Carlos kay Tanza Vice Mayor Archangelo Matro nang mapaulat na may P100-K reward para sa ikadarakip ng mga ito.
Sinabi naman ni Major Dennis Villanueva, Tanza police chief na kasong murder ang inirekomenda ng pulisya kina Llagas at Carlos sa piskalya.
Ayon sa mga nakasaksi sa pamamaril ni Llagas kay Quiambao, lasing umano ang suspek at tinangka pa nitong sagasaan ng motor ang traffic enforcer kung saan tumawag pa ng mga kasamahan ang biktima na nagdulot sa pagtatalo ng mga ito.
Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo na natagpuan naman na abandonado sa Barangay Biga, Tanza, Cavite. ARMAN CAMBE