ALBAY-NAHAHARAP sa kasong double murder ang isang pulis nang dukutin at barilin nito ang isang Bumbay na umano’y kanyang pinagkakautangan at dinamay pa ang isang kagawad sa Purok 5, Brgy. Maporong Oas kamakalawa ng tanghali sa lalawigang ito.
Kinilala ni PNP-Police Regional Police Office 5 Director BGen. Jonnel Estomo, ang suspek na si Cpl. Bryan Aguilar, nakatalaga sa Polangui Municipal Police
Station at residente ng Brgy. Gabon, Polangui, Albay at ang kasabwat nitong half-brother na si Raymond
Isaac Salanga, 23-anyos, at nakatira sa Brgy Mendez, Polangui, Albay.
Sa inisyal na impormasyon ng Albay Police Provincial Office, nakilala ang mga napatay na sina Brgy. Kagawad Marlon Encabo Rebusquillo, 43-anyos, may asawa, at Parmindes Singh, Indian national, nakatira sa Bgy. Gabon, Polangui, Albay.
Ayon kay Lt Col Ruel Pedro, COP ng Polangui MPS, sa kanilang pagsisiyasat ang suspek na si Aguilar ay may personal na utang sa biktima na humigit kumulang sa kalahating milyon.
Batay sa ulat, dinukot si Singh ng mga suspek at binaril ito sa ulo bago isinakay sa kulay puting Toyota Wigo na inihulog sa palayan dakong alas-11 ng umaga.
Nang rumesponde ang mga awtoridad, nakita rin sa lugar si Rebusquillo na patay at may tama ng baril na sinasabing nadamay nang tulungan ang maiahon ang nahulog na sasakyan .
Agad na dinala ang mga biktima sa Josefina Belmonte Duran Albay Provincial Hospital, Ligao City ngunit idineklara rin na dead on arrival ng attending physician.
Nadakip naman ang mga suspek sa isinagawang follow-up operation na nasa kustodiya ng Oas MPS upang harapin ang kasong double murder na isasampa. VERLIN RUIZ