BUMBERO, 2 PA SUGATAN SA SUNOG

TATLO ang sugatan, kabilang ang isang bumbero sa sunog na lumamon sa 50 kabahayan nitong Biyernes sa Muntinlupa City.

Kinilala ang mga biktima na sina Kenneth Rodejo Cao, 29-anyos na nasunog ang kanang kamay, batok at kaliwang siko; Juliet Reginaldo, 29-anyos na nasunog ang kanang balikat at itaas na bahagi ng kanyang likuran at Senior Fire Officer (SFO) 2 Heherson Astrande, 35-anyos na nagtamo naman ng sugat sa kanyang mata.

Ayon sa Muntinlupa City Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog sa isang bahay sa No. 44 Upper Sucat, Barangay Sucat dakong alas-12:39 ng tanghali.

Tinatayang nasa P300,000 ang halaga ng napinsala sa naturang sunog na idineklarang fire out dakong alas-2:50 ng hapon habang patuloy pa rin ang imbestigasyon sa sanhi ng sunog.

Umabot sa 25 fire trucks at pitong ambulansya ang rumesponde sa sunog kung saan naapektuhan ang nasa 150 pamilya.

Inatasan naman ni Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon ang Social Services Department (SSD) para sa pamamahagi ng mga kinakailangang ayuda kabilang na ang sapat na pagkain at hygiene kits ng bawat pamilyang biktima ng mga nasunugan habang naka-standby naman ang mga medical personnel mula sa Sucat Health Center para naman sa pagbibigay ng first aid at medical assistance sa mga ito.

Ang sunog nitong Biyernes ay ika-apat nang pangyayari sa lungsod at ikalawa naman sa Barangay Sucat kung saan naganap ang unang insidente nitong Pebrero 11 na tumupok sa anim na kabahayan sa Hacienda Rosario Purok 2, at naapektuhan ang 17 pamilya na katumbas ng 53 indibidwal.

Ang ikalawang sunog sa lungsod ay naganap nitong Pebrero 17 na lumamon ng apoy sa 19 na istruktura na nakaapekto ng 49 pamilya sa Quezon Street, Barangay Poblacion habang naitala naman ang ikatlong sunog nitong Pebrero 19 sa Concepcion Road, Barangay Buli kung saan 27 istruktura ang natupok na nagdulot din ng pagkakaapekto sa 26 na pamilya. MARIVIC FERNANDEZ