INANUNSIYO ng Department of Transportation (DOTr) na papayagan na nila ang mga lumang jeepney na may edad mahigit 15 taon na pumasada sa lansangan. Taliwas ito sa unang plano ng pamahalaan na palitan na ang mga luma at bulok na pampublikong sasakyan bilang programa ng modernisasyon ng lahat ng pampublikong sasakyan.
Tagumpay ang DOTr sa programang ito sa mga bus, trak, taksi at school bus. Kung inyong papansinin, halos wala na tayong makitang bulok ng mga pampublikong sasakyan. Ano nga ba ang pangunahing layunin ng modernisasyon ng ating mga pampublikong sasakyan? Simple lang po. Kalig-tasan ng mga pasahero. Kaakibat dito ay ang pagpapatupad ng Clean Air Act kung saan, matitigil na ang mga lumang makina na diesel na nagbubuga ng maitim na usok sa ating kapaligiran.
Subalit tila nahirapan ang DOTr na ipatupad ang modernization program sa hanay ng mga jeepney. Natatandaan ko pa ang mabigat na banta ni Pangulong Duterte noong nakaraang taon na ayaw na niyang makakita ng mga lumang jeepney pagsapit ng Enero nitong taon. Tila ang basbas na ito para sa DOTr ay hindi umubra sa matigas na mga jeepney diver at kanilang mga operator. Dagdag pa sa paglakas ng kanilang loob sa laban na ito ay ang pag-ayuda sa kanila ni Sen. Grace Poe noong dininig ang isyu ng jeepney modernization sa Senado.
Sa totoo lang po, hindi ko talaga makita ang diwa ng pagkatig laban sa modernisasyon ng ating mga pampublikong sasakyan. Hindi po bago ito. Ang mga progresibong bansa ay may ganitong programa. Ang hindi lamang kaya magkaroon ng ganitong klaseng programa ay mga bansang napaka-hirap o nasa kasalukuyang digmaan o pag-aklas sa pamamagitan ng armas laban sa kanilang gobyerno.
Ang Filipinas naman ay hindi ganito ang sitwasyon. Sa katunayan, umaakyat ang investor confidence sa ating bansa bunsod ng magandang ekonomiya at puspusang konstruksiyon ng mga impraesktraktura sa ilalim ng ‘Build Build Build’ program ni Duterte.
Nakapanghihinayang at tila bumigay ang DOTr sa mga jeepney driver at kanilang mga operator. Simple lang naman ang hiling. Palitan nila ang ka-nilang mga luma at bulok ng jeepney. Ngunit ang paliwanag ng mga driver at operator ng mga ganitong uri ng sasakyan ay hindi raw sapat ang kita nila. Lugi raw sila sa ‘maintenance cost’. Eh, lugi pala kayo sa ganitong uri ng negosyo… eh ‘di mag-isip kayo ng ibang negosyo na kikita kayo. Kaya naman kitang-kita ito sa uri at kondisyon na nakikita nating mga jeepney sa lansangan. Bulok!
Ang mga iba nga riyan ay hindi nagsisindi ng ilaw sa gabi. Alam ba ninyo kung ano ang rason nila? Dahil daw hihina ang baterya ng kanilang sasa-kyan at mahihirapan i-start ito muli. Eh, ‘di palitan ninyo ang alternator at voltage regulator ng inyong jeepney para hindi kayo nahihirapan na walang ilaw sa gabi? Ay sus!
Ang susunod na kondisyon ngayon ng DOTr ay papayagan na ang mga lumang jeepney kung papasa ang mga ito sa ‘road worthiness’. Ano po ang ibig sabihin nito? Ang mga lumang sasakyan ay kailangang ayusin, pagandahin at siguruhin na pumasa sa lahat ng alituntunin ng Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang payagan silang mag-operate muli. Dapat ay ayos ang preno, bago ang gulong, ayos ang lahat ng electrical nito, may seatbelt, maganda ang kondisyon ng kanilang makina at katanggap-tanggap ang panlabas na histura nito.
Sana naman ay hindi na mag-inarte ang hanay ng mga jeepney driver at operator sa kondisyon na ito mula sa DOTr. Kung baga sa larong Blak Dy-ak, 18 na ang baraha nila. Huwag na humirit baka mabutata pa sila.