(Bunga ng Davos trip) TRABAHO, INVESTMENTS

DAVOS, Switzerland- Kumpiyansa ang Pilipinas na mabunga ang pagdalo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa World Economic Forum at sidelines nito sa pakikipagpulong sa business leaders dito kung saan ibinida ang tagumpay ng ekonomiya ng Pilipinas sa kabila ng pananatili ng COVID-19 pandemic at pagpapaliwanag sa Maharlika wealth fund na magbebenepisyo sa sambayanang Pilipino.

“Asahan ni’yo po na lalong dadami po ang investments sa ating bansa. Walang tigil po ang pagtatrabaho ni President Bongbong Marcos dito sa Davos at sunod-sunod po ‘yung mga meetings niya para magkaroon po ng additional investment sa ating bansa,” ayon kay Senator Mark Villar.

Tiwala si Villar na kabilang sa bunga ng pagdalo ni Pangulong Marcos sa WEF ay dagdag pamumuhunan, oportunidad at trabaho.

“At pag nagkaroon po ng additional investment, siyempre po dadami po ang opportunities sa ating bansa, dadami po ‘yung job opportunities sa ating bansa at lalong aasenso ang ating ekonomiya,” dagdag pa ni Villar.

Sa hiwalay na interview kay Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista, sinabi nito na sa pagdalo ni Pangulong Marcos sa forum na ito ay nabuksan ang maraming oportunidad sa Pilipinas para sa foreign investors partikular sa infrastructure development.

“Napaka-importante na pag-usapan ‘yung mga proyekto natin sa imprastraktura, mag-invite tayo ng mga investors and isa nga ito sa mga napag-usapan namin kagabi doon sa isang dinner na nandoon ‘yung CEO ng mga big companies, not only in Asia, but in Europe,” ayon kay Bautista..

Sa pamamagitan ng WEF, naipakita ng Pilipinas sa mundo ang economic feat, na hinangaan ng mga dumalong lider at nagbigay ng inspirasyon lalo na’t pumalo ang Philippine GDP sa 6.5 to 7 percent.

Sinabi pa ni Bautista na ang DOTr ay tumanggap ng “very strong support” mula overseas, nang magpakita ng interes si dating UK prime minister Tony Blair na susuportahan ang mga inisyatibo ng kagawaran gaya ng railway projects.

Kumpiyansa naman si Finance Secretary Benjamin Diokno na ang WEF attendance ng Pangulo ay magbubunga sa mga planong sovereign wealth fund, na magiging funding source ng major infrastructure projects ng Pilipinas.

“Kasi marami tayong proyekto na nangangailangan ng funding: infrastructure projects; pinanghihiram pa natin ng pera ‘yun eh from Japan, China, sa World Bank, ADB (Asian Development Bank). Eh ngayon, kung mayroon tayong ganung fund pwede natin gamitin ‘yun para mapondohan ‘yun. ‘Yun ang purpose nun,” ayon kay Diokno.

“So there are many projects– talagang very important projects, priority projects,” dagdag pa ng kalihim.

Aniya, ang exciting part sa Davos trip ng Pangulong Marcos ay naipagmalaki ang tumatag na ekonomiya ng Pilipinas sa unang taon nito kahit pa maraming hamon gaya ng pandemya at kalamidad na nagdaan.

“Lagi ko sinasabi na this is our moment. Talagang we have a nice story to tell and it’s just a matter of implementation para gumanda talaga ang buhay ng Pilipinas at ng mga Pilipino,” dagdag pa ni Diokno. EVELYN QUIROZ