BUNGA NG PAPAYA HUGIS KORONA

WALANG halong mahika, pagmasdan ang bunga ng papaya, hindi bilog, hindi mahaba at walang laman ang gitna na hugis ay korteng korona.

Ito ang nakaagaw-pansin sa mga residente sa puno ng papay na ang bunga ay hugis korona.

Laking gulat ni Alicia Reyes Ragasajo, 67-taong gulang, residente ng Brgy. Bagbag 1, Rosario, Cavite nang pitasin nito ang bunga ng kanilang papaya ay hugis korona.

Malayo ito sa pangkaraniwang hugis ng papaya na nakikita sa merkado.

Nag-iisa lang ang bungang ito na hugis korona habang ang ibang kasama nito ay korteng bilugan at pahaba.

“Ito ang unang bunga ng papayang itinanim namin, sobra kaming namangha sa bungang ito. Tila hindi pangkaraniwan. At animo’y may nagpaparamdam sa amin”, paglalahad ni Nanay Alicia.

Base sa pagsasalaysay ng pamilya Ragasajo, diumano ang bunga ng papayang hugis korona ay pagpaparamdam ng namayapa nilang kapamilya na si King Ragasajo na magdiriwang ng kanyang ika-43 kaarawan itong Enero 22.

Umaakma naman sa pangalan ng namayapang si King at sa bunga ng papaya na hugis korona.

Pinaniniwalaan ng pamilya na bagaman namatay na si King ay patuloy pa rin silang binabantayan nito.

Si King Ragasajo ay solong anak na lalake ni Alicia Ragasajo na kilala sa kanilang barangay na isang magaling na Electronic Technician.

Habang ang puno ng papaya ay nanatiling hitik pa rin sa bunga ay patuloy na pinag-uusapan at pinagmamasdan kung muli itong mamumunga na may misteryo at kakaiba. SID SAMANIEGO