BATANGAS – AABOT sa halos 50 pamilya ng pulis ang posibleng i-relocate matapos ang pagputok ng Taal Volcano.
Ayon kay PNP Spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac, halos 50 pamilya ng mga pulis na ito ay nakatira sa Laurel, Talisay at Agoncillo sa Batangas na itinuturing ngayong nasa danger zone.
Sinabi ni Banac, iniutos na ni PNP Chief Police Gen Archie Gamboa sa PNP Housing Board na tulungan at alamin sa mga pulis na apektado kung gustong lumipat sa mga pabahay ng PNP.
Aniya, mayroong pabahay ang PNP sa Calamba, Laguna, General Trias sa Cavite at Rizal na maaring paglipatan ng mga pamilya ng mga pulis.
Tutulong aniya ang PNP Engineering unit sa mga apektadong pulis para mapabilis ang kanilang paglipat.
Dagdag ni Banac na ang pabahay ng PNP ay may laking 60 square meter at may buwanang hulugan na maliit na halaga lang dahil ito ay tulong para sa mga pulis na nagiging biktima ng kalamidad ang pamilya. REA SARMIENTO
Comments are closed.