(Bunsod ng tensiyon sa Middle East) ‘CONTINGENCY PLAN’ ILATAG

Rowena Niña Taduran

HINIMOK ng isang kongresista ang pamahalaan na bumalangkas ng mga hakbang na maaaring ipa­tupad bilang tugon sa magiging epekto sa bansa ng pinangangambahang pagsiklab ng kaguluhan sa  Middle East region.

Ito ang iginiit ni House Assistant Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Rowena Niña Taduran na lubhang nakababahala ang umiinit na tensiyon sa nasabing rehiyon matapos ang ginawang drone attack ng Estados Unidos sa Baghdad International Airport kamakailan.

Ang nasabing ‘clandestines operations’ na may basbas ni US President Donald Trump ay nagresulta sa pagkasawi ni Iranian Maj. Gen. Qasem Soleimani, na siya ring lider ng elite Quds forces.

Ayon kay Taduran, matapos ang nabanggit na military offensive ay nagpahayag ang Iran na hindi malayong suportahan ng ilang kaalyado nitong bansa na gaganti sa Amerika kung kaya tiyak na titindi pa ang hidwaan.

Sakaling tuluyang sumiklab ang pinangangambahang US-Iran war, sinabi nito na ang pangunahing magiging epekto nito sa Filipinas ay ang suplay at presyo ng mga produktong petrolyo gayundin ang seguridad ng libo-libong overseas Filipino workers (OFWs).

“We should prioritize the safety of our overseas Filipino workers in the Middle East should there be a retaliation after the death of Iran’s commander of the elite Quds forces,” diin ni Taduran.

Hinggil naman sa kinakailangang oil supply ng bansa, sinabi ng mambabatas na walang duda na anumang kaguluhan na magaganap sa nasabing rehiyon ay nagreresulta sa pagsipa sa halaga ng krudo sa World Market. ROMER BUTUYAN

Comments are closed.