INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Social Welfare Development (DSWD) na palawakin ang sakop ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) kung saan isasama na rin ang pregnant at lactating women para mapigilan ang malnutrisyon sa mga sanggol at kabataan sa loob ng 1,000 araw.
Sa ginanap na sectoral meeting inatasan ni Pangulong Marcos kasama ang National Economic and Development Authority (NEDA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health at iba pang concerned agencies para pag-aralan ang kanyang rekomendasyon na mag-aamyenda sa 4Ps cash grants.
Sa sectoral meeting nitong Pebrero kaugnay sa Proposed Reforms sa 4Ps, iminungkahi ng DSWD na taasan ang halaga ng 4Ps grant at magbigay ng cash grant sa First 1,000 Days (F1KD) ng mga bata.
Sa nasabing pulong ay inaprubahan ng Pangulong Marcos ang rekomendasyon ng DSWD para ibigay ang cash grant sa pregnant at lactating women upang may pantustos sa health needs habang nagbubuntis at kanilang mga anak sa unang 1,000.
Inatasan din ng Pangulo ang DSWD at ang NEDA na buuin ang mga huling numero at ipasa ang mga ito sa kanya upang magawa ang mga kinakailangang pagsasaayos, dahil binibigyang-diin niya ang kahalagahan ng karagdagang suporta.
Sa ilalim ng kasalukuyang programa, ang 4Ps beneficiary-family ay tumatanggap ng daycare at elementary grant na P300 bawat bata kada buwan sa loob ng sampung buwan, na may kondisyon sa pagpasok sa paaralan ng kanilang anak; P500 bawat bata bawat buwan sa loob ng sampung buwan para sa junior high school na may parehong kondisyon sa pagpasok sa paaralan ng kanilang anak at P700 bawat bata bawat buwan sa loob ng sampung buwan para sa senior high school na may parehong kondisyon; at P750 bawat buwan bawat sambahayan sa loob ng 12 buwan sa kondisyon na ang kanilang mga anak na may edad 2-14 taong gulang ay nasa ilalim ng growth development at monitoring; deworming at dumalo sa mga sesyon ng pagpapaunlad ng pamilya.
EVELYN QUIROZ